Sunday, August 21, 2022

PANUKALANG P5.268-TRILLION 2023 NATIONAL BUDGET, NAKATAKDANG TANGGAPIN NG KAPULUNGAN

Nakatakdang tanggapin ng Kapulungan ng mga Kinatawan bukas (Lunes), ang panukalang 2023 pambansang badyet, na ibinunyag ng Department of Budget and Management (DBM) na nagkakahalaga ng P5.268-trilyon.


Ang panukala ay ang unang kabuuang pondo ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.


Isusumite ng Pangulo ang National Expenditure Program (NEP), ang bersyon ng pambansang badyet ng ehekutibo, sa pamamagitan ni Budget Sec. Amenah Pangandaman.


Nakahanda naman itong tanggapin nina Speaker Martin G. Romualdez, Majority Leader Manuel Jose "Mannix" Dalipe, Minority Leader Marcelino Libanan, House Committee on Appropriations chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, at ang kanyang senior vice chairperson, Marikina City Rep. Stella Luz A. Quimbo.


Ang seremonya sa pagsusumite ay gaganapin sa alas 10 ng umaga, sa social hall ng Tanggapan ng Speaker.


Sa ilalim ng Saligang Batas, ang Pangulo ay, “shall submit to the Congress within 30 days from the opening of every regular session, as the basis of the general appropriations bill (GAB), a budget of expenditures and sources of financing, including receipts from existing and proposed revenue measures.”


Bahagi ng pagsusumite ng Pangulo ang mensahe sa badyet sa mga mambabatas, at sa sambayanang Pilipino.


Ang badyet at ang mga kasama nitong dokumento ay isinusumite sa Kapulungan ng mga Kinatawan, dahil ganito ang nakasaad sa Saligang Batas, “all appropriation, revenue or tariff bills, bills authorizing increase of the public debt, bills of local application, and private bills shall originate exclusively in the House of Representatives, but the Senate may propose or concur with amendments.”


Subali’t naging tradisyon na ng palasyo na magbahagi ng kopya sa Senado sa araw ng kanilang pagsusumite, kung ano ang kanilang isinumite sa Kapulungan. 


Ang panukalang badyet para sa susunod na taon ay mataas ng P244-bilyon o mahigit-kumulang sa limang porsyento ng kasalykuyang badyet na P5.024-trilyon. Ito na ang magiging pinakamalaking panukalang gastusin ng pamahalaan. 


Nangako ang mga pinuno ng Kapulungan na kanilang tatapusin ang mga deliberasyon sa Komite at plenaryo bago ang ika-1 ng Oktubre, sa panahon na nakatakdang mag-recess ang Kapulungan na tatagal hanggang ika-6 ng Nobyembre.


“Last Congress, we did it, we were able to beat the September 30 deadline. We gave all members of the House time to deliberate, interpellate intelligently on all departments,” Ito ang binigkas ni Dalipe sa news forum noong Martes.


“The budget process starts here and we want to give all House members time to scrutinize the proposed budget. I can confidently say that we can make the September 30 deadline,” aniya.


Sisimulan ng Komite ng Appropriations ang pagdinig sa NEP sa ika-26 ng Agosto, at magbibigay naman ng briefing ang mga economic managers ng administrasyong Marcos hinggil sa mga macro-economic parameters na ginamit, upang buuin ang panukala sa paggasta. 


Sinabi ni Quimbo, senior vice chairman of the House Committee on Appropriations, na layon ng Komite na matapos ang mga pagdinig sa ika-16 ng Setyembre, araw ng Biyernes, upang bigyan ang Kapulungan ng dalawang linggo para sa deliberasyon sa plenaryo, at pag-apruba sa ikatlo at pinal na pagbasa bago ang recess sa ika-1 ng Oktubre.


Sinabi niya na ang Komite na pinamumunuan ni Co ay nakatuon sa mabilis na pag-apruba sa panukalang “economic recovery budget.”


“Rest assured that Congress shall work tirelessly to approve a budget that is responsive to the needs of the people and is able to bring inclusive and sustainable growth,” ayon pa sa ekonomistang si Quimbo.

No comments:

Post a Comment