Idinaos ngayong Huwebes ng Komite ng Transportasyon sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Romeo Acop (2nd District, Antipolo City) ang kanilang pulong sa pag-oorganisa, kung saan tinalakay ng lupon ang kanilang tanggapan, istraktura, at pagpapatibay ng kanilang mga tuntunin at patakaran. Inaprubahan din ng lupon ang paglikha ng mga subcommittees sa Aviation, Road, Rail, at Maritime.
Sa kanyang pambungad na mensahe, sinabi ni Acop na ang sektor ng transportasyon ay isa sa mga nangungunang tagasulong ng ekonomiya, na kinikilala ang mga limitadong pagkilos dahil sa idinulot ng pandemya, na naging dahilan ng hindi maiiwasang pagkakalugmok at nahintong paglago ng ekonomiya ng bansa.
“The transport sector might be plagued by debilitating problems, but these problems are not unsolvable. And this Committee shall always subscribe to data-driven, expertise-led, and practicable on-the-ground solutions,” pagtitiyak niya.
Iprinisinta ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Timothy John Batan ang mga kasalukuyang usapin at alalahanin ng sektor, kabilang na ang mga panukalang lehislasyon ng Kagawaran.
Subali't ang mga binanggit na panukala ay hindi kasama sa badyet ng ahensya sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP), ayon kay Secretary Jaime Bautista. Sinabi ni Acop na ang badyet ng ahensya ay kinaltasan sa Fiscal Year 2022 dahil sa kanilang mababang absorptive capacity.
Tiniyak naman ni Transportation Undersecretary Kim Robert De Leon na ang utilization rate ng ahensya ay makabuluhang napabuti, na matapos ang katapusan ng Hulyo 2022 ay nakapagpalabas sila ng pondo katumbas ng halaga ng buong taon na paggasta sa taong 2021.
Nang matanong hinggil sa “No Contact Apprehension Policy” na ipinaiiral ng mga lokal na pamahalaan sa MetroManila, iniulat ni Transportation Undersecretary Mark Steven Pastor na ang ahensya ay nakapagsimula na ng pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng technical working group, sa Metro Manila Development Authority (MMDA) at mga may kinalamang lokal na pamahalaan, upang rebisahin ang programa.
Samantala, umaasa ang mga mambabatas sa patuloy na implementasyon ng Service Contracting at Programang Libreng Sakay na susuporta sa mga tsuper, mga operator, at mga pasahero.
No comments:
Post a Comment