Nagsagawa ngayong Lunes ng isang motu proprio na pagdinig ang magkasanib na Komite ng Good Government at Public Accountability, na pinamumunuan ni San Jose Del Monte City Rep. Florida “Rida” Robes at Komite ng Agriculture at Food na pinamumunuan ni Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga, sa Kapulungan ng mga Kinatawan, hinggil sa Sugar Order (SO) No. 4 na nagpapahintulot sa pag-angkat ng 300,000 metriko toneladang asukal.
Ito ay pinawalang-bisa kalaunan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na tumatayo ring kasalukuyang Kalihim ng Agrikultura, dahil ang SO 4 ay nilagdaan ng mga kasapi ng lupon ng SRA nang wala niyang pag-apruba bilang board chairman.
Habang nasa pagdinig, ipinaliwanag ni dating Sugar Regulatory Administration (SRA) administrator Hermenegildo Serafica na siya ay naatasan ni Pangulong Marcos Jr. na magbalangkas ng isang programa sa pag-aangkat na maaaring matugunan ang inaasahang kakulangan ng asukal pagdating ng Agosto 2022.
Isang konsultasyon sa mga nagsusulong ang isinagawa pagkatapos, ngunit ito ay napag-alaman din ng magkasanib na Komite na labag sa batas kung walang pahintulot ni Pangulong Marcos Jr.
Dagdag pa rito, ipinabatid ni Serafica at dating Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian na ang panukalang programa na isinumite ay hindi pa nakakatanggap ng anumang tugon mula sa Palasyo.
Pinabulaanan naman ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. na ang kapangyarihan na ipatawag ang lupon ng SRA at lagdaan ang naturang SO ay ibinibigay lamang sa Agriculture Secretary bilang SRA board chairman.
Bukod pa dito, nagsagawa na rin aniya ng panibagong konsultasyon ang Pangulo sa mga nagsusulong at napag-alaman niya na kailangan lamang ng bansa na mag-angkat ng 150,000 MT na asukal at maaari pang maibaba ang presyo nito.
Sa kanyang panig, dismayado naman si Quezon Rep. David “Jay-jay” Suarez na matuklasan na hindi man lang ipinaalam at kinunsulta ang mga deputy administrator ng SRA tungkol sa SO 4, lalo na sa legalidad nito.
Nanindigan si Suarez at ilang pang mambabatas na dapat ay hinintay na lamang ng lupon ng SRA ang basbas ni Pangulong Marcos Jr.
Tiniyak naman ni Robes na masusing iimbestigahan ng magkasanib na Komite ang usapin upang matiyak na hindi na ito mauulit sa hinaharap, para sa kapakanan ng industriya ng asukal sa Pilipinas.
No comments:
Post a Comment