Pasado na sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang “substitute bill” ng panukalang ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan o SK Elections na dapat idaraos sa Dec. 5, 2022.
Sa botong 11-pabor, 0-tutol --- pormal nang inaprubahan ang substitute bill na wala pang numero at “subject to style,” habang aprubado na rin ang committee report.
Sa ilalim nito, sa halip na gawin sa Dec. 5, 2022 ang halalang pambarangay at SK, idaraos na lamang ito sa unang Lunes ng Dec. 2023. Ang mga mananalo rito ay pormal na uupo sa pwesto sa Jan. 1, 2024.
Matapos nito ay magkakaroon naman ng Barangay at SK Elections, kada tatlong taon, batay pa rin sa panukala.
Para sa mga incumbent o kasalukuyang opisyal ng mga barangay at SK, iiral ang “hold-over capacity” o mananatili muna sila hanggang sa makapaghalal na ng mga bago. (maliban na lamang kung naalis o suspendido sa pwesto)
Nauna nang inihain ang halos 40 House Bills sa Kamara para isulong ang postponement ng eleksyon ngayong taon, at sa halip ay ilapat ng petsa.
Karamihan sa mga may-akda ay nagsabing gamitin na lamang muna ang pondo para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Pero ayon sa Commission on Elections o Comelec, kapag inilipat pa ang petsa ng Barangay at SK Elections ay dagdag-gastos pa ito.
Samantala, sinabi ni Committee on Suffrage and Electoral Reforms chairperson Maximo Dalog Jr. na isasalang ang panukala sa House Appropriations Committee para sa usaping pagpopondo, bago ito tuluyang mai-akyat sa plenaryo ng Kamara.
No comments:
Post a Comment