Tuesday, August 23, 2022

SUBSIDIYA PARA SA MGA MAHIHIRAP NA MAG-AARAL SA MGA PRIBADONG HEIs, LIBRENG MGA PAGSUSULIT SA PAGPASOK NG 10 PORSIYENTO NG MGA MAGSISIPAGTAPOS NA MAG-AARAL SA HIGH SCHOOL, APRUBADO SA KOMITE

Inaprubahan ngayong Martes ng Komite ng Higher at Technical Education sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Baguio City Rep. Mark Go ang limang pinagsama-samang panukalang batas na magtatatag ng voucher system para sa mga mahihirap at kwalipikado sa akademikong mag-aaral ng mga pribadong higher educational institutions (HEIs) at technical vocational institutions (TVIs), na siyang mag-aamyenda sa Republic Act 10931, o ang “Universal Access to Quality Tertiary Education Act.” 


Ito ang House Bill 984 ni Go, HB 2105 ni Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla, HB 2495 ni La Union Rep. Dante Garcia, HB 2796 ni Ang Probinsyano Rep. Alfred Delos Santos at HB 3467 ni Agimat Rep. Brian Revilla. 


Sa kaniyang pag-isponsor ng panukala sa ngalan ni Mercado-Revilla, ipinahayag ni Cavite Rep. Ramon Jolo Revilla III, na malaki ang papel na ginagampanan ng mga pribadong institusyon sa pagtulong na makapagbigay ng de-kalidad na edukasyon sa mga Pilipino. 


Idinagdag pa niya na makakapagbigay ito ng pagkakataon para sa mga mahihirap, na makapili ng alinmang paaralan na naaayon sa kanilang mga pangangailangan at direksyon sa karera. 


Pinuri naman ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero de Vera III ang panukalang batas, ngunit nagpahayag ng pangamba na maaari itong magkakaroon ng implikasyon sa pananalapi sa pamahalaan kapag naisabatas. 


Gayunpaman, nilinaw ni Go na maaaring gamitin ng CHED at ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) ang mga kasalukuyang pondo, dahil nilalayon ng panukala na mapayagan ang mga kasalukuyang may subsidiya na benepisyaryo sa tersiyaryong edukasyon na makapasok sa mga pribadong paaralan, sa halip na nililimita ng kasalukuyang batas ang kanilang karapatang makapili, kungdi sa mga pampublikong paaralan lamang. 


Samantala, sumang-ayon siya kay De Vera na kailangang dagdagan ang pondo para sa mga bagong benepisyaryo, na sinabi ni Go na maaaring imungkahi sa 2024 pambansang badyet. 


Sinabi naman ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo na makakatulong din ito sa pagtataguyod ng kalidad ng edukasyon sa bansa, sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kompetisyon sa pagitan ng mga pampubliko at pribadong HEI at TVI. 


Inaprubahan din ng Komite ang HB 2850, na nagbibigay ng libreng pagsusulit sa pagpasok sa kolehiyo, ng mga magtatapos na mag-aaral sa high school, mga nagtapos ng high school, mga papasok sa kolehiyo o mga transferee na nag-aaplay para makapasok sa mga kolehiyo at unibersidad ng estado, at lokal na kolehiyo at unibersidad, gayundin sa mga mahihirap na mag-aaral sa pampublikong high school na kabilang sa 10pinakamatataas na porsiyento ng magtatapos na klase, na nag-aaplay para makapasok sa mataas na edukasyon ng mga pribadong institusyon.

No comments:

Post a Comment