Dismayado ang ilang kongresista sa tapyas-pondo para sa University of the Philippines o UP System at Philippine General Hospital o PGH, sa ilalim ng 2023 proposed National Budget.
Ayon kay ACT Teachers PL Rep. France Castro, base sa panukalang pambansang pondo na isinumite ng Department of Budget and Management o DBM --- aabot sa P2.5 billion ang kaltas sa panukalang budget para sa UP para sa 2023 mula sa P25.6 billion na pondo ngayong 2022; habang nasa P893 million ang pagbaba sa pondo para sa PGH.
Aniya, tila hindi prayoridad ng administrasyong Marcos ang edukasyon at kalusugan sa gitna pa rin ng COVID-19 pandemic.
Giit ni Castro, ang PGH ang isa sa mga nangungunang ospital sa pagtugon sa pandemya, pero nakatikim pa ng bawas-pondo.
Sinabi naman ni Kabataan PL Rep. Raoul Manuel, papaano magiging ligtas ang face-to-face classes kung binawasan pa ang alokasyon para sa edukasyon, tulad ng ginawa sa UP.
Sa panayam naman sa Kamara, nangako si Health OIC Ma. Rosario Vergeire na tutulong ang DOH para mai-lobby sa mga mambabatas ang dagdag-budget para sa PGH.
Kailangan aniyang maisip ng mga mambabatas na ang PGH ay premyadong ospital na gustong tuluran ng ibang ospital, dahil sa maayos na kagamitan at de-kalidad na serbisyo.
No comments:
Post a Comment