Tuesday, August 23, 2022

HALOS 40% NA ITINAAS NG PONDO NG DA PARA SA 2023, IKINATUWA NG SEKTOR NG AGRIKULTURA

Ikinalugod ni House Committee on Agriculture chairman Mark Enverga ang halos 40% na pagtaas sa pondo ng Department of Agriculture sa ilalim ng panukalang 2023 National Budget.


Sa Ugnayan sa Batasan media forum, sinabi ni Enverga na magandang balita para sa sektor ng agrikultura at sa mga magsasaka na itataas ang ilalaang budget para sa DA.


Aniya, tinotoo ng Pangulo at kasalukuyang Agricuture Sec. na si Ferdinand Marcos Jr. na ang “food security” ang numero unong agenda niya.


Batay sa 2023 National Expenditure Program o NEP, aabot sa P184.1 billon ang panukalang pondo ng DA, na 39.2% na mas mataas kumpara sa pondo nito sa ilalim ng 2022 National Budget.


Samantala, sinabi ni Enverga na hindi man haharap sa budget hearing si Pang. Marcos para idepensa ang pondo ng DA, may itatalaga naman aniyang opisyal gaya ni Usec. Domingo Panganiban na maglalatag ng mga programa at magpapaliwanag sa mga kongresista.


Sa naunang budget message ng presidente, kanyang sinabi na ang dagdag-pondo para sa DA ay layong palakasin ang sektor ng agrikultura, suportahan ang mga magsasaka at mangingisda, at tiyakin ang seguridad sa pagkain.


Mula sa naturang 2023 proposed budget ng DA, kasama na rin ang P13.1 billion para sa konstruksyon at rehabilitasyon ng farm-to-market roads sa buong bansa; at ang P1 billion na alokasyon para sa “fuel assistance program” na pangtugon sa mataas pa ring presyo na mga produktong petrolyo.

No comments:

Post a Comment