Magsusumite ang Department of Budget and Management o DBM sa Kongreso ng listahan ng “slow moving departments” o mga ahensyang may mababang “utilization rates”, kaugnay sa pagpopondo para sa dagdag-pensyon ng mga mahihirap na senior citizens sa bansa.
Ito ang sinabi ni DBM Sec. Amenah Pangandaman sa interpelasyon ni Senior Citizens PL Rep. Rodolfo Ordanes sa briefing ng House Committee on Appropriations.
Ayon kay Ordanes, nagpapasalamat siya na matapos ang higit isang dekada ay tataas na ang social pension ng mahihirap na nakakatanda dahil sa pagsasabatas ng Republic Act 11916.
Pero batay sa 2023 National Expenditure Program o NEP, sinabi ni Ordanes na aabot lamang sa P25 billion ang pondo para sa pensyon ng mga senior citizen susunod na taon. Ibig sabihin, ito ay para lamang sa P500 kada buwan na pensyon ng mga benepisyaryo.
Ani Ordanes, kailangan pa ng dagdag P25 billion para sa madoble ang pensyon sa P1,000 sa kada benepisyaryo.
Kaya tanong niya sa DBM, may pag-asa bang maisama sa 2023 National Budget ang nabanggit na kailangang budget.
Paliwanag ni Pangandaman, nang mag-lapse bilang batas ang panukala ay nakahanda na ang 2023 NEP kaya hindi nakasama ang dagdag P25 billion para sa taas-pensyon ng senior citizens.
Sa kabila nito, sinabi ng kalihim na magbibigay ang DBM sa Kongreso ng listahan ng mga departamento at nasa mga mambabatas na kung nanaisin nilang i-augment mula sa mga ito ang budget para sa dagdag-pension.
No comments:
Post a Comment