Thursday, August 25, 2022

PACKAGE 4 NG TRAIN LAW AT FISCAL REGIME FOR MINING INDUSTRY, INAPRUBAHAN NG KOMITE NG KAPULUNGAN

Inaprubahan ngayong Miyerkules ng Komite ng Ways and Means sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda  ang substitute bill sa House Bills 375, 2111, at 3244 o ang panukalang Package 4 ng Republic Act 10963, na kilala rin bilang “Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.”  


Dating kilala bilang  “Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act (PIFITA),” aamyedahan ng Package 4 ang ilang mga seksyon ng RA 8424 o National Internal Revenue Code (NIRC) ng 1997, na naamyendahan na, upang bawasan ang singil sa halaga ng documentary stamp tax (DST) na ipinapataw sa lotto ticket mula P0.20 hanggang P0.10. 


Ipinaliwanag ni Salceda, may-akda ng HB 375, na bagaman ito ay maaaring magdulot ng pagkalugi ng kita sa pamahalaan, makakatulong naman ang panukala sa pagtiyak na ang kita ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay hindi babagsak dahil sa tumataas na presyo ng tiket sa katagalan. 


Sumang-ayon din ang Komite na isama sa panukalang batas ang mungkahi ng Department of Finance (DOF), kasama ang Department of Trade and Industry (DTI), na alisin ang excise tax exemption ng mga pick-up truck na ipinakilala sa ilalim ng TRAIN. 


Ito ay nakasaad sa isang liham na ipinadala ni Finance Secretary Benjamin Diokno, kung saan binanggit din niya na magreresulta ito sa tinatayang karagdagang kita na P52.6 bilyon mula 2022 hanggang 2026. Gayundin, inaprubahan ng Komite ang substitute bill sa HBs 373, 2014, 2246, at 3888 o ang panukalang “Philippine Mining Fiscal Regime Act.” 


Binanggit ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo, may-akda ng HB 2246, na nakapag-ambag ang sektor ng pagmimina at quarrying ng P1.44.4 bilyon, o limang porsyento sa gross domestic product ng bansa noong 2021. 


Samantala, ipinahayag ni Salceda, may-akda ng HB 373, na ang isang rehimeng pagmimina na may mga mekanismo na sumusunod sa kapaligiran, panlipunan, at pamamahala ay makakatulong sa mga kumpanya na magkaroon ng oportunidad sa dayuhang kapital at teknolohiya.

No comments:

Post a Comment