Nagdaos ng magkasanib na pagdinig ngayong Miyerkules ang Komite ng Legislative Franchises na pinamumunuan ni Rep. Gus Tambunting (2nd District, Parañaque City), at Komite ng Trade and Industry na pinamumunan ni Rep. Mario Vittorio Mariño (5th District, Batangas), sa Kapulungan ng mga Kinatawan, sa napaulat na ‘pagsasanib’ ng TV-5 Network Incorporated at ABS-CBN Corporation. Ang pagsisiyasat ng Kongreso ay batay sa privilege speech ni Rep. Rodante Marcoleta (Partylist, SAGIP) sa plenaryo noong ika-15 ng Agosto 2022.
“Ang sinasabi natin dito, kinakailangan ba payagan natin sila kaagad na makasakay sa ibang prangkisa ng hindi po nase-settle etong napakaraming mga sagutin na ito at obligation na taong bayan na po ang nakakaalam noong tayo po ay nagkaroon ng malawakang public hearing dito,” ani Marcoleta.
Nagpahayag si National Telecommunications Commission (NTC) Commissioner Atty. Gamaliel Cordova sa lupon na nagpalabas sila ng Memorandum Order 003-06-2022, na nag-uutos sa mga franchise holders na bayaran ang kanilang mga obligasyon sa pambansa at lokal na pamahalaan, bago sila lumagda sa anumang komersyal na kontrata sa ibang kompanya.
Samantala, sinabi ni Securities and Exchange Commission (SEC) General Counsel Atty Romuald Padilla na inatasan na nila ang ABS-CBN, na bigyan sila ng mga kopya ng investment at convertible note agreements.
Sinabi rin niya na hindi tinitingnan ng SEC na ang kasunduan ay ‘pagsasanib’ sa ilalim ng mga probisyon ng Revised Corporation Code.
Iminungkahi niya sa Kapulungan na silipin ang usapin hinggil sa ‘controlling interest’ upang malaman kung kinakailangan pa ang pag-apruba alinsunod sa iminamandato ng batas sa prangkisa.
Ayon kay Philippine Competition Commission (PCC) Commissioner Johannes Bernabe, ang transaksyon ay hindi kailangang ipabatid batay sa umiiral na pampublikong impormasyon ng kasunduan.
"It does not meet the transaction value under the Bayanihan to Recover as One Act or Bayanihan 2," ani Bernabe.
Ang batas aniya rito ay kailangan lamang rebisahin ng PCC ang mga pagsasanib at acquisition sa mga transaksyon na nagkakahalaga ng mahigit sa P50-bilyon sa loob ng dalawang taon, o hanggang ika-15 ng Setyembre 2022. Bukod pa rito, binanggit rin ni Bernabe na ang PCC ay kailangan pa na lalong suriin ang transaksyon ng dalawang networks, kung epektibo ba itong makakakumpitensya sa merkado.
No comments:
Post a Comment