Nagsawa ngayong Huwebes ng kanilang unang pagpupulong ang Espesyal na Komite ng Creative Industry at Performing Arts sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Pangasinan Rep. Christopher De Venecia, at tinalakay ang kamakailan lamang isinabatas na Republic Act 11904, o ang "Philippine Creative Industries Development Act."
Sinabi ni De Venecia na gagawin nila ang lahat upang makapagpasa ng maraming mga batas, dahil siya ay nahikayat sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang unang SONA, na uunahin niya ang mga industriya ng malikhain at turismo upang lumikha ng isang pambansang pagkakakilanlan.
Tinalakay ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Rafaelita Aldaba ang mga pangunahing probisyon ng batas, tulad ng paglikha ng Creative Industries Development Council, at ang pagbabalangkas ng Implementing Rules and Regulation (IRR) nito.
Ibinahagi naman ni Department of Foreign Affairs-UNESCO National Commission of the Philippines (DFA-UNACOM) Deputy Executive Director Lindsay Barrientos, at Thames Innovation and Creative Entrepreneurship (ICE) Program Manager Kat Mallillin ang UNESCO Creative Cities Network at ang Philippine Creative Cities Playbook.
Ang playbook ay binuo upang isulong at suportahan ang mga mithiin ng mga lokal na lungsod sa kanilang aplikasyon na mapabilang sa UNESCO Creative Cities Network.
Pinagtibay din ng Komite ang House Resolutions 178 at 112, gayundin ang mga kaukulang Ulat ng Komite.
Ang HR 178 ay inihain ni Zamboanga City Rep. Khymer Adan Olaso, na pumupuri kay G. Adonis Castillo Asid sa pagwawagi nito ng gintong medalya sa mga kategorya ng latin at opera, pilak naman sa orihinal na kategorya, at apat na espesyal na parangal sa 2022 World Championships of Performing Arts.
Samantala, iniakda ni De Venecia ang HR 112, na bumabati at pumupuri sa GIGIL, isang independiyenteng malikhaing ahensya, sa pagkamit ng bronze sa ikalawang sunod na taon sa 2022 Cannes Lions International Festival of Creativity. Panghuli, inaprubahan din ng Komite ang panukalang baguhin ang pangalan ng Komite bilang Special Committee on Creative Industries.
No comments:
Post a Comment