Sinimulan ngayong Lunes ng Kapulungan ng mga Kinatawan, sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagdiriwang ng National Lung Month, na may temang "Strengthening Public-Private Partnership for Sustainable TB Detection, Care, Treatment and Prevention." Katuwang ng Kapulungan ang United States Agency for International Development (USAID), Kagawaran ng Kalusugan (DOH), at lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Quezon, para tumulong na itaas ang kamalayan ng publiko, pagsusuri, paggamot, at pag-iwas sa tuberculosis (TB), na tutulong sa pagkontrol ng sakit sa gitna ng pandemya sanhi ng COVID-19. Sa kanyang pambungad na mensahe, kinilala ni Speaker Romualdez ang USAID sa pagiging matatag na katuwang ng pamahalaan ng Pilipinas sa pagsugpo ng tuberculosis na nangungunang 10 sanhi ng pagkasawi sa bansa.
Tiniyak din niya sa USAID at DOH na ang Kapulungan ay ganap na nakatuon sa pagsusulong ng kritikal na pagsisikap na sugpuin ang tuberculosis, sa pamamagitan ng paghahain ng mga panukalang batas para palakasin ang Republic Act 10767, o ang "Comprehensive Tuberculosis Elimination Plan Act," kabilang na ang House Bill 9, o ang "Philippine Center for Disease Prevention and Control (CDC) Act."
Ang iba pang may-akda ng panukala ay sina TINGOG Partylist Reps Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre.
Samantala, sinabi ng Deputy Mission Director ng USAID na si Rebekah Eubanks, sa kanyang solidarity message, na sila ay bumubuo ng mas malakas na public-private partnerships, upang palakasin ang mga pagsisikap sa pagtugon sa kalusugan para sa TB at COVID-19.
Binanggit din ni Eubanks na ang Estados Unidos ay patuloy na pinapatunayan ang pangakong pagtulong nito, na makamit ng bansa ang mga layunin sa pag-unlad.
Hinikayat naman ni DOH Officer-in-Charge Secretary Maria Rosario Vergeire ang kanilang mga kapartner, tulad ng USAID at Advanced Abilities, na ipagpatuloy ang kanilang suporta sa DOH sa pagwawakas ng tuberculosis, at makamit ang isang TB-free na Pilipinas.
Bilang bahagi ng isang linggong pagdiriwang, magkakaroon ng COVID-19 vaccination program at TB screening sa HRep North Wing Lobby mula ika-22 hanggang ika-25 ng Agosto 2022.
No comments:
Post a Comment