Nagsagawa ngayong Miyerkules ng unang pagpupulong ang Komite ng Justice sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Negros Occidental Rep. Juliet Marie de Leon-Ferrer, at inaprubahan ang House Bills 127, 194, 274, 1069, 2398, at 3300, na nagmumungkahing isabatas ang Modernisasyon ng Bureau of Immigration. Nilalayon ng mga panukala na maipatupad ang mga polisiya, tuntunin at regulasyon sa imigrasyon ng Pilipinas, at mapangasiwaan bilang mga instrumento para maitaguyod ang mga panloob at panlabas na interes ng bansa, bilang pagkilala sa pangangailangan na makahikayat at mapahusay ang mamumuhunan ng kapital, kalakalan at komersiyo, pagpapalitan ng kultura, gayundin, ang iba pang anyo ng magandang pakikipag-ugnayan at pagtutulungan, at iba pa.
Ang mga panukalang batas ay iniakda nina Ferrer, at Reps. Jurdin Jesus Romualdo, Luis Raymund ‘LRay’ Villafuerte Jr., Minority Leader Marcelino Libanan, Marie Bernadette Escudero, at Rufus Rodriguez, ayon sa pagkakasunod.
Nagmosyon si Rodriguez na aprubahan ang mga panukalang batas, kasama ang HB 127 bilang pangunahing panukalang batas.
Aniya, ang HB 3300 na kaniyang iniakda ay isang panukala na muli niyang inihain, batay sa ekstensibong pagtalakay ng HB 8850 noong ika-18 Kongreso, na inaprubahan sa ikatlong pagbasa at kalaunan ay isinumite sa Senado.
Nagpahayag naman ng kanilang pagsuporta ang ilang mambabatas na naroroon sa pagdinig sa panukala at nagmosyon na sila ay gawing kapuwa may-akda nito. Inulit naman ni APEC Party-list Rep. Sergio Dagooc ang mosyon ni Rodriguez na aprubahan ang HB 127, na pinagtibay naman ng Komite.
Bago maaprubahan ang panukalang batas, nilatag ni Justice Secretary at dating Cavite Rep. Jesus Crispin Remulla ang mandato, tungkulin at gawain ng DOJ.
Sinabi ni Remulla na mayroong 10 ahensya ang nasa illalim ng DOJ, kabilang dito ang National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Immigration (BI), at Bureau of Corrections. Aniya, ang mandato ng DOJ ay hango sa Executive Order 292: Revised Administrative Code of 1987, na inilabas ni dating Pangulong Corazon Aquino.
No comments:
Post a Comment