Nagdaos ng organizational meeting ngayong Huwebes ang Komite ng Indigenous Cultural Communities (ICCs) at Indigenous Peoples (IPs) sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Allen Jesse Mangaoang (Lone District, Kalinga).
Binigyang-diin ni Mangaoang na tungkulin ng Komite na itaguyod at protektahan ang mga ICCs at IPs, gayundin ang kanilang mga karapatan alinsunod sa nakasaad sa Saligang Batas.
“We are here to safeguard their right to ancestral land and domains, we are still here to advance their right to self-governance and empower them to proudly forge their own destinies, true to their interest and the welfare of their communities and integrity of their cultures,” ani Mangaoang.
Hinimok niya ang mga miyembro ng Komite na magtulungan at magtrabaho sa ika-19 na Kongreso na magiliw at mag-iwan ng maimpluwensyang mga batas para sa mga ICCs at IPs.
Iniharap sa pulong ang mga iminungkahing batas na inaprubahan ng Komite noong ika-18 Kongreso, para sa muling pagsasaayos nito ngayong ika-19 na Kongreso. Ito ay ang mga panukalang 1) Indigenous Community Conserved Territories and Areas Act, 2) Indigenous Peoples Civil Registration System Act, at 3) Resource Centers for Indigenous Peoples Act.
Inatasan ni Mangaoang ang mga miyembro ng Komite na maghain at magkapwa-akda ng mga panukalang batas.
Samantala, iprinisinta ni National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Chairman Allen Capuyan sa Komite ang panukalang badyet ng kanyang ahensya na nagkakahalaga ng P1.468 bilyon para sa 2023.
No comments:
Post a Comment