Tuesday, August 23, 2022

ISA PANG RESOLUSYON PARA SA IMBESTIGASYON HINGGIL SA IMPLEMENTASYON NG NCAP, INIHAIN

Isa pang resolusyon ang inihain sa Kamara na nagpapa-imbestiga sa implementasyon at umano’y mga butas ng No-Contact Apprehension Policy o NCAP.


Sa House Resolution 236 ni 1-RIDER PL Rep. Bonifacio Bosita, inaatasan ang House Committees on Transportation at Metro Manila Development na magdaos ng pagsisiyasat “in aid of legislation” ukol sa mga isyu na inilutang ng mga drayber, operators at may-ari ng mga pampubliko at pribadong sasakyan laban sa NCAP.


Ayon kay Bosita, maaaring sabihing “noble” o marangal ang mga layunin ng NCAP, gaya ng pagtuturo ng disiplina sa mga motorista, mabawasan ang “traffic congestion” at mga aksidente sa kalsada, at maiwasan ang alitan sa pagitan ng traffic enforcers at mga drayber at iba pa.


Gayunman, ang “constitutional rights” o mga kaparatan naman ng mga motorista ay mas dapat isa-alang-alang.


Kinuwestyon din ni Bosita ang pagpapataw ng nakapataas na halaga ng parusa o multa, at sa katunayan aniya, ang mga multa ng iba’t ibang lokal na pamahalaan ay tatlong beses na mas malaki kumpara sa arawang sahod ng mga manggagawa.


Kaya naman giit ni Bosita, ang mga sumbong at suliranin kontra NCAP ay kailangang maisalang sa “proper forum” sa lalong madaling panahon at resolbahin ang anumang hindi pagkaka-unawaan, kalituhan at mga tanong sa pagpapatupad sa naturang programa.


Dagdag ng kongresista, mas makabubuti kung repasuhin ang implementasyon ng NCAP, bumuo ng nararapat na hakbang upang maitama ang mga sinasabing mali rito at magkaroon ng komprehensibong “traffic management system” na poprotekta sa mga karapatan ng mga motorista.

No comments:

Post a Comment