Tuesday, August 23, 2022

ORGANIZATIONAL MEETING NG KOMITE NG VISAYAS DEVELOPMENT, IDINAOS

Nagdaos ng pulong para sa pag-oorganisa ngayong Martes ang Komite ng Visayas Development sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Leyte Rep. Lolita Javier. 


Sa kanyang pambungad na mensahe, sinabi ni Javier na ang Komite ay may tungkulin na pangasiwaan ang mga bagay na direktang nauugnay sa mga patakaran, programa at mga kaugnay na hakbangin na nakakaapekto sa pang-ekonomiya, panlipunan, pampulitika, gayundin sa pag-unlad ng kultura ng Rehiyon ng Visayas. 


Nabatid din ng mga miyembro ng Komite ang mga alalahanin sa badyet na isinulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng Kagawaran ng Turismo (DOT) sa pagpupulong. 


Binanggit ni DPWH Region VI Director Nerie Bueno na ayon sa binagong pagsusumite na may petsang ika-18 ng Hulyo 2022, ang panukalang badyet ng DPWH Region 6 ay umaabot sa P117.99-bilyon. Saklaw nito ang mga lalawigan ng Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, at Negros Occidental. 


Samantala, sinabi ni DPWH Region 7 Director Ernesto Gregorio Jr., na ang DPWH engineering districts para sa mga lalawigan ng Bohol, Cebu, Negros Oriental at Siquijor ay may kabuuang panukalang badyet na P33.90-bilyon para sa 2023. 


Sinabi naman ni DPWH Region 8 Director Allan Borromeo sa Komite na ang panukalang regional badyet ng DPWH para sa mga lalawigan ng Biliran, Eastern Samar, Leyte, Northern Samar, Samar, Southern Leyte at Tacloban City para sa FY 2023 ay nagkakahalaga ng P152.6-bilyon. 


Kabilang sa mga priority infrastructure projects sa Rehiyon 8 na sinasabi bilang high impact/big ticket projects ay ang Bohol-Leyte Link Bridge; Janbatas Bridge (pangalawang San Juanico Bridge); Tacloban City Causeway; Mahaplag-Hilongos Road; Palo West By-pass Road; Tacloban City By-pass Road Extension; at Leyte Tide Embankment (proteksyon sa storm surge: highland road at tide embankment project). 


Samantala, binanggit ni DOT Region 6 Director Christine Mansinares na ang indicative budget ng ahensya para sa fiscal year 2023 ay P40.80-million. 


Ang DOT Region 7 ay nagmungkahi ng badyet na P24.12-million para sa susunod na taon. Sinabi ni Bohol Rep. Edgar Chatto na natutuwa siya na may big ticket bridge project na nag-uugnay sa Bohol at Leyte. Nag-follow up si Siquijor Rep. Zaldy Villa sa DOT tourism master plan para sa kanyang distrito. 


Panghuli, humingi ng update mula sa DPWH si Leyte Rep. Richard Gomez sa pagpapatuloy ng programa para sa isang convention center sa Leyte.

No comments:

Post a Comment