Dapat tulungan ng pamahalaan partikular ng Department of Agriculture ang mga mag-aasin sa ating bansa, kaysa sa panay importansyon.
Ito ang iginiiit ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines o AGAP PL Rep. Nicanor Briones kasunod ng pahayag kamakailan ni Agricuture Usec. Domingo Panganiban na nakararanas na raw ng problema at kakulangan sa asin ang bansa.
Ayon kay Briones, na siyang chairman ng Committee on Cooperatives Development ng Kamara, ang mas mabuting gawin ng gobyerno ay ayusin at palawakin ang mga asinan.
Mas pagtuunan din aniya ng pansin at bigyan ng mga kailangang kagamitan ang sektor upang maitaas ang produksyon ng asin sa ating bansa.
Banat ni Briones, nag-iimport na nga ng iba’t ibang produktong agrikultural, pati ba naman asin ay angkat nang angkat din.
Hindi rin aniya kapani-paniwala na kulang sa supply ng asin sa bansa, dahil malawak ang mga karagatan ng Pilipinas o mayroong higit 7,000 isla na uubrang pagkuhanan ng asin.
Sinabi ni Briones na sa ngayon ay kakaunti na lamang ang kinikita ng maliliit na mag-aasin sa ating bansa. At kung importasyon ang nasa isip ng pamahalaan, ang mga lokal mag-aasin ang lubos na maapektuhan.
Nauna nang binanggit ni Usec. Panganiban na aabot sa P100 million ang alokasyon para salt production, sa ilalim ng panukalang 2023 national budget.
No comments:
Post a Comment