Tuesday, August 23, 2022

MAGANDANG BALITA PARA SA MGA MAGSASAKA, MALAKING PONDONG INILAAN SA AGRIKULTURA NA NAKASAAD SA 2023 NEP AYON KAY REP. ENVERGA

Nagpahayag ng pasasalamat si HOUSE Committee on Agriculture Chairman at Quezon 1st district Rep. Mark Enverga sa ehekutibo ngayong Martes, dahil sa malaking 40 porsyentong paglaki ng badyet na inilaan sa Kagawaran ng Agrikultura (DA), batay sa isinumiteng 2023 National Expenditure Program (NEP) kamakailan. 


Sa kanyang pagharap sa pulong balitaan ng Ugnayan sa Batasan Majority News Forum, sinabi ni Enverga na tinupad ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang kanyang pangako na iprayoridad ang seguridad sa pagkain.


"Masayang masaya kami coming from an agricultural sector magandang balita po para sa ating mga magsasaka yung 39 percent ang inincrease ng Department of Agriculture so this is good news to the farmers," aniya. 


"In general masayang masaya po tayo, tumutoo po ang ating Pangulong Bongbong Marcos na kung saan nga number 1 po niyang, sa agenda po niya is food security which I definitely am sure will be very much inclusive," ayon kay Enverga. 


Matatandaang bolutaryong kinuha ni Pangulong Marcos ang tungkulin ng Kalihim ng DA sa pagsisimula ng panunungkulan niya bilang pangulo. Ito ang kanyang naging pasya upang matiyak niya na mas magiging handa ang ahensya sa pagtugon sa nakaambang krisis sa suplay ng pagkain. 


Nagkataong si Enverga ay nagmula sa lalawigan, kung saan ay kilala ito sa mga produktong agrikultura, na kinabibilangan ng mga butil, prutas at gulay. Nangangahulugan ito na siya ay may malasakit sa mga lokal na magsasaka. 


"On my end kami masaya kami kasi finally nabigyan ng pansin yung agricultural sector, it has been long been neglected," aniya. 


Hinggil sa nakatakdang deliberasyon ng badyet sa Kapulungan sa P5.268-trilyon NEP, nagpahayag si Enverga ng tiwala na makakapagpadala ang DA ng mga dalubhasa, na makapagbibigay sa mga mambabatas ng lahat ng impormasyon na kailangan nila.


"We, of course, have heard that he has designated Usec. [Domingo] Panganiban to be representing him when it comes to the budget deliberations and I think it’s also the key people within the agency that will be answering most of the question so siguro mas magandang sa kanila rin nating marinig yung detalye," aniya. 


Noong Lunes ay malugod na tinanggap ng Kapulungan ng mga Kinatawan na pinamumunuan ni Speaker Martin G. Romualdez ang 2023 NEP mula kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman. 


Batay sa NEP, ang panukalang badyet na inilaan para sa DA sa susunod na taon ay P184.1-bilyon. Mas mataas ito ng P81.6-bilyon kesa sa 2022 NEP allocation ng ahensya. 


Ang panukalang 2023 badyet para sa DA ay lubos na mataas sa P132.2-bilyon, na opisyal na inilaan sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act (GAA). #

No comments:

Post a Comment