Tuesday, August 23, 2022

KAKULANGAN NG MGA PERSONNEL SA DSWD ANG SANHI NG NAGING PALPAK NA DISTRIBUSYON NG STUDENT CASH AID NOONG WEEKEND

Isinisi ni House Deputy Speaker Ralph Recto sa kakulangan ng mga personnel ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang naging palpak na distribusyon ng “student cash aid” noong nakalipas na weekend.


Sa isang pahayag, sinabi ni Recto na ang DSWD ay isang malaking ATM o “Ayuda, Tulong Machine” pero ang mga regular staff ay aabot lamang sa 2,993.


Ito ay labis aniyang kakarampot para sa 61.6 milyong Pilipino o kalahati ng populasyon ng bansa na sineserbisyuhan ng DSWD.


Dagdag ni Recto, dahil sa maliit na bilang ng mga regular na staff ng DSWD, ang mistulang “permanent band-aid” ay pagkuha na lamang ng “temporary” o pansamantalang mga kawani.


Batay naman sa pinaka-huling report ng Commission on Audit o COA, sinabi ni Recto na ang DSWD ay mayroong 13,252 contractual personnel; 12,326 contract of service employees; at 878 job order personnel. 


Hirit tuloy ni Recto, hindi na dapat “ipa-Tulfo” ito dahil nasa kagawaran naman na si Sec. Erwin Tulfo na sa ngayon ay maayos ang trabaho.


Sa kabila nito, umaasa ang Deputy Speaker na pangungunahan ni Tulfo ang job regularization sa DSWD.

No comments:

Post a Comment