Tinatayang nasa 30 hanggang 40% mula sa 1.3 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ang hindi dapat alisin.
Ito ang inihayag ni Department of Social Welfare and Development o DSWD Sec. Erwin Tulfo, sa briefing ng House Committee on Appropriations para sa panukalang 2023 budget.
Ayon kay Tulfo, nang pumutok ang isyu ng planong “delisting” ng 1.3 milyong benepisyaryo ng 4Ps, may mga umalmang kongresista, at mayroon ding mga benepisyaryo ang nagreklamo dahil nagka-pandemya.
Pero para matiyak aniya na walang made-delist o maaalis na mahirap sa 4Ps, nagpatawag ang DSWD ng pulong sa mga samahan ng mga benepisyaryo.
Tinanong din sila sa tunay na estado ng mga miyembro, at may mga nagsabi na hindi sila sang-ayon na nasa 1.3 milyong benepisyaryo ang “graduate” na.
At ayon sa kanila, nasa 30 hanggang 40% sa 1.3 milyong 4Ps beneficiaries ang hindi dapat pwedeng alisin.
Inatasan naman ni Tulfo ang mga grupo ng 4Ps beneficiaries na magsumite ng listahan, partikular ng mga pwede nang alisin.
Ito umano ay ikukumpura sa mga listahan ng DSWD gaya ng Listahanan 3, Municipal Link at 4Ps list, na “safety net” ng kagawaran upang hindi basta-bastang magtatanggal ng mga benepisyaryo.
Sa kabila nito, sinigurado ni Tulfo sa mga mambabatas na bebepripikahin at sasalaing mabuti ng ahensya ang mga napipintong matanggal sa programa.
No comments:
Post a Comment