Wednesday, September 7, 2022

PAGDINIG SA P24.06-B PANUKALANG BADYET NG DOST PARA SA 2023, IDINAOS

Idinaos ngayong Miyerkules ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co ang pagdinig sa P24.06-bilyong panukalang badyet ng Department of Science and Technology (DOST) para sa piskal na taong 2023. Pinasalamatan ni Co ang pamilya ng DOST sa pangunguna ni DOST Secretary Renato Solidum sa kanilang pagdalo sa pagdinig. Sinabi ni Co na pinananatili ng DOST ang mandato ng pagbibigay ng sentral na direksyon ng pamumuno at koordinasyon sa mga pagsisikap ukol sa siyentipikong teknolohiya at pagtiyak na ang mga resulta ay nakatuon at ginagamit sa mga lugar na may pinakamataas na benepisyong pang-ekonomiya at panlipunan para sa mga mamamayan.  “The importance of science, technology and innovation (STI) are vast and clear in the social, economic and environmental aspects of society,” aniya.  Ayon kay Co, kabilang sa mga kapuri-puring programa ng DOST sa ilalim ng pinagsama-samang adyenda sa National Research and Development ng Science for Change Program, ay ang mga sumusunod: 1) tulong sa MSMEs at mga komunidad sa pamamagitan ng Small Enterprise Technology Upgrading Program (SEPUP); 2) Community Empowerment Through Science and Technology (CEST); at 3) pagbibigay ng mga S&T iskolarsip mula sa sekondarya, tersiyaryo hanggang sa mga gradwadong antas sa higit sa 40,000 mga mag-aaral.  Para sa piskal na taong 2023, sinabi ni Co na may tinatayang kabuuang badyet na P24.064-bilyon ang DOST. “This is to fund, among others, department strategic science and technology programs, support the harmonized S&T agenda, and the transfer of knowledge and technologies to spur growth in the countryside. With significant public investments in science, technology, and innovation, it is anticipated that the country’s pool of scientists, researchers and technologists would be able to contribute to creating wealth and securing sustainable and inclusive future for the Filipinos,” aniya.  Samantala, sa kanyang presentasyon, binanggit ni Solidum na ang kanilang orihinal na panukalang badyet ay P44.17-bilyon subalit ibinaba ito sa P24.06 bilyon, o mas mababa ng P20.11 bilyon.  Sa kanilang P24.06bilyon na panukalang badyet, nilinaw ni Solidum na P18.38 bilyon ang ilalaan sa maintenance and other operating expenses (MOOE), habang P4.74-bilyon naman ang ilalaan sa personnel services (PS), at ang natitirang P940 milyon ay para sa capital outlay (CO). Kabilang sa mga prayoridad ng DOST na nakahanay sa sosyo-ekonomikong adyenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay ang: 1) paglikha ng trabaho/ pag-unlad ng rehiyon sa pamamagitan ng STI; 2) seguridad ng pagkain; 3) seguridad ng kalusugan; 4) seguridad ng tubig at pangangalaga sa kapaligiran; 5) seguridad sa enerhiya; 6) sistema ng transportasyon; 7) katatagan sa klima at kalamidad; 8 ) pagpapaunlad ng yamang tao; 9) pagbabago ng pasilidad; 10) digital na pagbabago, at masigla at kapaki-pakinabang na lungsod at komunidad.

No comments:

Post a Comment