Tuesday, September 6, 2022

PAGKAKALOOB NG ₱100,000 SA MGA CENTENARIAN, MAAARING HUGUTIN SA CONTINGENT FUNDS - LAGMAN

Pinalutang ni Albay Rep. Edcel Lagman ang posibilidad na hugutin mula sa “contingent fund” ng Presidente ang pondo para sa “centenarian program” o pagkakaloob ng P100,000 para sa mga Pilipinong papalo sa edad 100-taong gulang.


Sa briefing ng House Committee on Appropriations para sa panukalang 2023 budget ng Department of Social Welfare and Development, mismong si Sec. Erwin Tulfo ang umanin na kulang ang pondo para sa programa sa susunod na taon.


Para sa 2023, humingi ang DSWD ng P175.1 million para sa cash gift ng 1,675 centenarian.


Gayunman, ang nakasaad sa National Expenditure Program o NEP ay para lamang sa 1,013 kaya mayroong 662 centenarians na nasa “waiting list” at ito ang nangangailangan ng P66.2 million na budget.


Kaya suhestyon ni Lagman, hindi na dapat maghintay na maisabatas ang 2023 General Appropriations Act, at sa halip ay tingnan ang contingent fund ng Pangulo kung saan baka raw makakuha ng pondo.


Katwiran pa ni Lagman, ito ay para hindi gaanong maghintay nang matagal ang mga centenarian para sa cash gift o benepisyo, dahil baka hindi na nila ito maabutan pa o ibig sabihin ay makamatayan nila.


Batay sa report ng DSWD, as of July 2022 ay nasa 1,260 na centenarians ang nakatanggap ng P100,000 bawat isa. Ito ay mula sa target na 1,704 centernarians.

No comments:

Post a Comment