Tuesday, September 6, 2022

RED TAGGING, NAGING MAINIT NA ISYU SA BUDGET BRIEFING NG NCIP

Naging mainit ang paghaharap ng ilang mambabatas ng Makabayan at opisyal ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP sa budget briefing ng Kamara, dahil sa isyu ng “red-tagging.”


Sa budget briefing ng House Committee on Appropriations para sa panukalang 2023 budget ng DSWD, tinanong ni Kabataan PL Rep. Raoul Manuel si Sec. Erwin Tulfo kaugnay sa pangre-redtag noon kay dating Bayanmuna PL Rep. Eufemia Culamat at iba pang indegionous groups o IPs.


Ang NCIP ay nasa ilalim ng DSWD. Pero ipinasa ni Tulfo ang pagsagot kay NCIP chairman Allen Capuyan.


Tanong pa ni Manuel, alam daw ba ni National Security adviser Clarita Carlos ang “outright” na pangre-redtag ng NCIP.


Tugon ni Capuyan, hindi sila nangre-redtag at sa halip ay “truth tagging” umano sila. 


Kinalauna’y nagmosyon naman si Gabriela PL Rep. Arlene Brosas na i-defer ang paghimay sa budget ng NCIP.


Puna ni Brosas, hindi umano dapat hayaan na ang public funds ay patuloy na magagamit sa pagpapakalat ng kasinungalingan, red-tagging, terror-tagging at iba pa laban sa mga organisasyon at IPs.


Kinilala ni Appropriations vice chairperson Jocelyn Limkaichong ang mosyon ng Brosas, pero nagsalita si SAGIP PL Rep. Rodante Marcoleta na nagsabing wala namang daw naganap na red-tagging.


Nagpasya na lamang si Limkaichong na i-terminate ang budget hearing para sa DSWD.


Sa ngayon ay wala pang petsa kung kailan ipagpapatuloy ang pagdinig para sa pondo ng NCIP.

No comments:

Post a Comment