Tuesday, September 6, 2022

PAGDINIG SA BADYET NG DSWD PARA SA 2023, ISINAGAWA NG KAPULUNGAN

Ibinahagi ngayong Martes ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co ang kanilang panukalang badyet na nagkakahalaga ng P194.62-bilyon para sa Piskal na Taon 2023. 


Ayon kay Co, nangangailangan ang DSWD ng buong suporta mula sa Kapulungan ng mga Kinatawan, para sa lahat ng kanilang mga programa at proyekto sa taong 2023. 


Binanggit niya na ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng DSWD ay naipagkaloob sa 4.37 milyong pamilya noong 2021, upang wakasan ang generational cycle ng kahirapan sa bansa.  


Sa kanyang bahagi, sinabi ni Committee Senior Vice Chairperson at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, na ang mga programa ng DSWD ay malaki ang naiaambag sa pagbabawas ng kahirapan, “As we move towards economic recovery, we need to ensure that government has well-funded programs that provide safety nets for the poor.” 


Ayon naman kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, kasama sa mga pangunahing programa ng ahensya ang: 1) 4Ps, 2) social pension para sa mahihirap na senior citizens, 3) mga serbisyo ng pangangalaga para sa mga indibidwal at mga pamilya, partikular sa mga mahihirap ang kalagayan, at 4) Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan- Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (Kalahi-CIDSS). 


Bukod dito, iniulat din niya na sinimulan na ng DSWD na gawing digital ang mga sistema at proseso nito para mapabilis ang pamamahagi ng tulong. 


Nang tanungin siya tungkol sa 1.3-milyong pamilya na natanggal sa listahan ng 4Ps, tiniyak ni Tulfo na tatanggap ang DSWD ng mga bagong pamilya, at pananatilihin ang 4.4 milyong target na benepisyaryo ng programa sa susunod na taon. 


Ipinaliwanag din niya na ang pagkakatangal sa listahan ay batay sa ginawang pagsusuri ng DSWD National Household Targeting Office (NHTO), na kabilang sa mga kondisyon para matanggal sa programang itinakda sa ilalim ng 4Ps Act implementing rules and regulations.  


Idinagdag pa niya na ang mga natanggal sa listahan na mga pamilya ay maaari pa ring makinabang sa iba pang mga programa, tulad ng Sustainable Livelihood Program at ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS). 


Samantala, tinawag ang pansin ng DSWD ni Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza dahil sa pagkakaroon nito ng humigit-kumulang 13,000 contractual na mga kawani, na sinagot naman ni Tulfo na inihanda na ng DSWD ang kahilingan nito sa Department of Budget and Management (DBM), na lakihan pa ang kanilang badyet upang gawing regular ang mga kwalipikadong indibidwal. 


Ang panukalang badyet ng DSWD ay dedepensahan ni Committee Vice Chairperson at Negros Oriental Rep. Jocelyn Sy Limkaichong sa mga debate sa plenaryo.

No comments:

Post a Comment