Tiniyak ni House Committee on Labor chairman at Rizal Rep. Fidel Nograles na aaksyunan ng Kamara ang mga panawagan at panukala na para sa kapakanan ng mga nurse sa ating bansa.
Ito ay kasunod na rin ng pahayag ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na tutugunan ang mga pangangailangan ng Filipino nurses gaya ng sahod nila na aniya’y hindi sapat.
Ayon kay Nograles, makikipag-tulungan ang mga kongresista sa presidente upang magkatotoo ang matagal nang hangarin ng mga nurse na bumuti ang kanilang kalagayan, at una rito ang pagpapataas ng sweldo.
Aminado si Nograles na maraming nurse pero hindi napupunan ang mga health institution dahil sa iba’t ibang rason, na nakita noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ito aniya ang kailangang alamin at resolbahin ng Kongreso, upang maagapan ang anumang posibilidd na mapilay ang healthcare system.
Samantala, sinabi ni Nograles na mainam ding maisama nag pribadong sektor sa paghahanap ng solusyon upang mailapit ang sweldo ng nurses na nagta-trabaho sa mga pampubliko at pribadong ospital.
Ang pagkakaiba kasi aniya ng sweldo pati ng mga benepisyo ay mistulang nagtutulak sa mga nurse na maghanap na mas magandang oportunidad sa abroad.
Sa huli, sinabi ni Nograles na kailangan ding isaalang-alang ang katotohanan na maraming ospital sa bansa ang hindi kayang magtaas ng sahod ng mga medical personnel, ngunit gagawa umano ang Kongreso ng “workable solution” para sa interes ng lahat ng stakeholders.
No comments:
Post a Comment