Thursday, September 8, 2022

PULONG SA PAG-OORGANISA, IDINAOS NG KOMITE NG ENERHIYA

Idinaos ngayong Huwebes ng Komite ng Enerhiya sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Lord Allan Jay Velasco (Lone District, Marinduque) ang pagpupulong para sa pag-oorganisa, at inaprubahan ang kanilang Internal Rules of Procedure. 


Ayon kay Velasco, muli siyang nabigyan ng responsibilidad at pagkakataon na maging chairperson ng isa sa pinaka abalang Komite sa Kapulungan. 


Para sa ika-19 na Kongreso, sinabi ni Velasco na ang Komite ng Enerhiya ay magiging abala at produktibo tulad ng inaasahan, lalo na sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap sa sektor ng enerhiya. 


Noong ika-17 Kongreso, sinabi niya na ang Komite na dati na niyang pinamunuan ay nakapagsabatas ng limang lehislasyon, na kinabibilangan ng Republic Act 11039, o ang “Electric Cooperatives Emergency and Resilience Fund”; RA 11234, o “Energy Virtual One-Stop Shop”; RA 11285, o “Energy Efficiency and Conservation Act”; RA 11361, o “Anti-Obstruction of Power Lines Act”; at, RA 11371, o “Murang Kuryente Act.” 


Samantala, sa ika-18 Kongreso sa ilalim ng pamumuno ni dating Rep. Mikey Arroyo, ay nakapagsabatas naman ang Komite ng anim na lehislasyon. 


Para sa ika-19 na Kongreso, sinabi ni Velasco na ipapanukala nila na iprayoridad ang mga panukalang nananatiling nakabinbin, kabilang na ang mga nabanggit sa State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. 


Samantala, nagbriefing sina Energy Secretary Raphael Perpetuo Lotilla at Assistant Secretary Mario Marasigan sa Komite, hinggil sa kalagayan ng sektor ng enerhiya sa Pilipinas, at si Energy Regulatory Commission Chair Monalisa Dimalanta naman ay nagprisinta ng mga regulasyon sa industriya ng kuryente sa bansa. 


Sinabi ni Marasigan na ang DOE Future Energy Scenario ay kinabibilangan ng: 1) seguridad sa enerhiya; 2) nagsusustining enerhiya; 3) matatag na imprastraktura; 4) competitive energy sector; 5) smart homes at cities; at 6) makapangyarihang konsyumer. 


Para kay Dimalanta, sinabi niya na ang ERC ay itinatatag bilang isang independyente, quasi-judicial regulatory body alinsunod sa Section 38 ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) of 2001. 


Bilang pundamental na mandato ng EPIRA, binanggit niya na ayon sa EPIRA Section 43, ito ay ang mga: 1) pagsusulong ng kompetisyon; 2) pagtitiyak ng pagpili at proteksyon ng mga kostumer; 3) paghihikayat ng kaunlaran ng merkado; at 4) kaparusahan sa mga umaabuso sa kapangyarihan ng merkado.

No comments:

Post a Comment