Nagtitiwala ang isang pinuno ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na ang 40 porsyentong pagtaas ng badyet ng Kagawaran ng Agrikultura (DA) para a susunod na taon, kasama ang patuloy na nilalayong subsidiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga mahihirap na sektor, ay makatutulong na matugunan ang epekto ng mataas na antas ng inflation.
Malugod na tinanggap ni Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, senior vice chairperson ng Komite ng Appropriations, ang nilakihang badyet ng DA, at sinabing makakatulong ito sa pagpapatupad ng mga programa, na titiyak sa seguridad sa pagkain.
“Kaya importante na tumaas ang budget ng DA. As we know, iyung inflation rate kasi weighted average iyan ng inflation rate ng ibat-ibang commodities. As we know, iyung commodity na mayroong pinakamalaking weight is of course food, one way to reduce food inflation rate is to ensure na mayroon tayong adequate supply,” ayon kay Quimbo sa idinaos ng pulong balitaan ng Ugnayan sa Batasan Majority News Forum.
“So ibig sabihin, kailangan nating palawakin ang suplay ng agricultural crops natin. Nandiyan ang bigas, corn, of course nandiyan ang karne, ang fish at meat,” dagdag ni Quimbo.
Para sa mambabatas mula sa Marikina, ang pasya na dagdagan ang badyet ng DA ay isang malaking hakbang, na nasa wastong landas.
“So tama naman po ang direksiyon ng ating gobyerno na bigyan ng sapat na atensiyon at sapat na increased ang budget ng Department of Agriculture," ani Quimbo.
“Kapag dumadami kasi iyung suplay natin, ang ibig sabihin puwede nating mapababa ang presyo ng pagkain,” giit niya.
Ang badyet ng Kagawaran ng Agrikultura (DA) at mga kalakip na ahensya nito para sa susunod na taon ay tumaas ng P46.5-bilyon o 39.62 porsyento mula sa taong kasalukuyan na P117.29-bilyon, sa P163.75-bilyon sa taong 2023.
Binigyang-diin ni Quimbo ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng subsidiya ng DSWD upang tulungan ang mga mahihirap na sektor na malagpasan ang epekto ng matataas na halaga ng bilihin.
“Kaya importante ang DSWD assistance programs, we have to make sure na ang ating mga kababayan na nangangailangan, nandiyan ang sufficiently funded na ibat-ibang assistance programs. With or without the pandemic, dapat may assistance programs talaga,” dagdag ni Quimbo.
Malungkot niyang sinabi na ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine, at ang pagtaas ng halaga ng interes sa Estados Unidos, ay nagbunsod ng mataas na antas ng inflation.
“Kung titingnan natin, ang source kasi ng inflation rate is really beyond our control. Una diyan of course ang nangyayaring digmaan sa Russia at Ukraine na nagpapataas ng presyo ng langis, number two iyung pagtaas ng interest rate ng US. Sabi nga nila, kapag humahatsing ang US, iyung mga maliliit na katulad natin sinisipon, so ganun eh,” ani Quimbo.
Ayon sa ulat, ang antas ng inflation sa bansa noong Agosto ay maaaring umabot ng 6.7 porsyento. Noong Hulyo, lumaki ito sa 6.4 porsyento mula sa 6.1 porsyento noong Hunyo.
No comments:
Post a Comment