Friday, September 9, 2022

PAGDINIG SA P7.2B PANUKALANG BADYET NG DICT SUMENTRO SA MABAGAL NA IMPLEMENTASYON NG PROGRAMANG LIBRENG WI-FI SA PUBLIKO, PHISHING AT TEXT SCAM

Binusisi ngayong Biyernes ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co ang P7.232-bilyon na panukalang 2023 badyet ng Department of Information and Communications Technology (DICT), sa pamumuno ni Secretary Ivan Joseph Uy. 


Sa P7.232-bilyon na panukalang badyet, P6.249-bilyon ang ilalaan sa Office of the Secretary; P347.7-milyon sa Cybercrime Investigation and Coordination Center (CICC); P200.17-milyon sa National Privacy Commission (NPC); at P435,265-milyon sa National Telecommunications Commission (NTC).  


Karamihan sa mga tanong na inihain ng mga mambabatas sa oras ng interpelasyon ay sumentro sa: 1) mabagal na pagpapatupad ng Free Public Wi-Fi Program ng pamahalaan; 2) paglaganap ng mga text scam at pandaraya, pati na rin ang phishing; at 3) mababang kapasidad ng pagtugon ng DICT. 


Sinabi ni Northern Samar Rep. Paul Ruiz Daza na hindi nagpabaya ang Kapulungan sa pagsuporta sa Free Public Wi-Fi Program, dahil naglaan ito ng P12-bilyong halaga para sa proyekto mula nang magsimula ito noong 2016 hanggang sa kasalukuyan.  


Aminado naman si Uy na isa sa mga sektor na may malaking butas ay ang programang libreng WI-FI. 


Sinabi niya na napag-alaman na lamang niya na karamihan sa mga lugar na ito ay inihinto na ang mga serbisyo noong ika-31 ng Agosto 2021 pa, at walang anumang pagsisikap na papanumbalikin pa ang kanilang koneksyon. 


“So, from January 2022 up to today, wala pong connectivity in many of the free Wi-Fi areas. That could have been anticipated. 


Apparently, the contract with the service providers only provided up to Dec. 31 with no plan at all of providing continuity. So, we now have in the ground access points and routers, but they are not lighted because there is no connectivity,” aniya.  


Sinabi pa ni Uy na ito ay isang simpleng kaso ng paghahanda para sa pagpapanumbalik ng mga koneksyon, ngunit hindi ito nangyari. “And that is so pitiful. We have for the past eight months a huge gap. 


Our people on the ground, our constituents are very disappointed. I was very disappointed in the lack of foresight, the lack of concern in this simple renewal. We have the funds, but there was no effort at all. Part of the program in the next few months is the reactivation of the subscriptions on a continuing multi-year basis,” aniya. 


Sinabi ni Daza na sa ilalim ng programa, ang target ay 105,000 na mga lokasyon. 


Ayon naman kay Uy, may 4,000 lugar ang may koneksyon sa ngayon. Ng tanungin ni Daza kung sino ang naging national program coordinator para sa programang libreng wi-fi nitong mga nakaraang taon, tugon ni Uy ay si dating Secretary Manny Caintic. 


Binanggit din ni Daza ang mababang fund utilization rate ng DICT, mula 25 hanggang 35 porsiyento lamang. 


Tiniyak naman ni Uy na sa ilalim ng kanyang pamumuno, target nila ang 70 hanggang 80 porsiyentong utilization rate sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga karagdagang programa. 


Samantala, tinanong ni Rama kung ano ang ginagawa ng DICT para matugunan ang problema sa phishing. 


Tiniyak ni Uy sa mga mambabatas na ang DICT ang nangunguna sa pag-iimbestiga sa usapin, at maaaring magbigay sa kanila ng impormasyon ang mga opisyal ng ahensya sa isang executive session.  


Kaugnay nito, iminungkahi ni AGRI Rep. Wilter Lee na bumuo ang DICT ng isang hotline na nakatuon lamang sa mga reklamo ukol sa text scam. 


Sinabi ni Uy na ang plano nila ay ang magtayo ng isang plataporma at magbigay ng kakayahang magamit ito. 


Pinangunahan nina Committee on Appropriations Vice Chairpersons at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo at Makati City Rep. Luis Campos ang pagdinig. 

No comments:

Post a Comment