Lusot na sa House Committee on Ways and Means ang “substitute bill” ng panukalang batas na magpapataw ng Value Added Tax o VAT sa non-resident digital service providers sa bansa.
Sa pagdinig ng komite sa pangunguna ng chairman nito na si Albay Rep. Joey Salceda, inaprubahan “subject to amendments” ang wala pang numerong substitute bill ng House Bill 372 matapos ang diskusyon at pagkuha sa posisyon ng ilang stakeholders.
Layon ng panukala na maayendahan ang ilang sections ng National Internal Revenue Code of 1997.
Kapag naging ganap na batas ang panukala, kasama sa mapapatawan ng 12% VAT ay ang foreign-based digital services gaya ng Netflix, Spotify, Lazada at iba pang online service providers.
Nauna nang sinabi ni Salceda, na siyang may-akda ng House Bill, na ito ay hindi naman bagong tax o buwis at sa halip ay layong palakasin ang tax compliance ng digital service providers.
Ang VAT aniya para sa non-resident digital service providers ay inaasahang ay katumbas na P9 billion na kita para sa pamahalaan.
Aprubado na ng Kamara ang katulad na panukala noong 18th Congress. Kaya naman sa bisa ng Rule 10 ng section 48, isa ito sa mga panukalang pwedeng madaliin ang approval ngayong 19th Congress.
Matatandan naman na sa unang State of the Nation Address o SONA ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., ay kanyang sinabi na i-a-adjust ang tax system ng pamahalaan, kasama na ang pagpapataw ng VAT sa digital service providers, upang makasabay sa digital economy.
No comments:
Post a Comment