Friday, August 19, 2022

NAGSUSUSTINING PASILIDAD PARA SA PALAKASAN, ISINUSULONG NG MAMBABATAS

Dahil sa layunin na iangat ang kakayahan ng bansa na makapagkumpitensya sa larangan ng palakasan, at pagtulong sa kaunlaran ng mga atletang Pilipino, inihain ni Rep. Franz Pumaren (3rd District, Quezon City) ang House Bill 2257, o ang "Sustainable Sports Facilities Act of 2022." 


Layon ng panukala na itatag, paunlarin, at imantine ang lahat ng pasilidad sa palakasan na pinondohan ng pamahalaan, kabilang na ang pagsasailalim sa institusyon ng pagpapaunlad ng matagalang plano sa hinaharap at kasalukuyang pasilidad sa palakasan. 


Ang mga pasilidad na ito ay kabibilangan ng mga istadium, coliseum, arena, sports centers at complexes, running tracks, courts, swimming pools, convention centers, media centers at athletes' villages, na pinondohan ng pamahalaan. 


Sinabi ni Pumaren sa kanyang panukala na ang mga magpapatakbo ng lahat at kasalukuyang pasilidad ay aatasan na magpaunlad ng nagsusustining plano, na isusumite at imomonitor ng Philippine Sports Commission (PSC). 


At panghuli, ang nagsusustining plano ay kabibilangan ng: 1) plano sa mga hinaharap na pagpapatakbo ng palaro at paggamit ng palsilidad sa palakasan matapos na ang palaro ay matapos kung saan ito ay itinayo at nakumpleto; 2) regular na pagmamantine, paglilinis, pagkukumpuni, at pagsasaayos; 3) kumikitang aktibidad, na sapat upang gamiting panggastos sa pagmamantine at pagkukumpuni ng pasilidad; 4) paglalagay ng mga nakatitipid na sistema sa enerhiya at patubig; 5) mga pamamaraan sa pagtitipid sa tubig; 6) pamamahala ng mga basura, recycling, at pasilidad sa composting; kabilang na ang 7) paggamit ng renewable energy. 


Bago naging isang mambabatas, si Rep. Pumaren ay isang propesyunal na basketbolista at coach, at siya ay nahalal rin bilang dating konsehal ng Lungsod Quezon.

No comments:

Post a Comment