Thursday, August 18, 2022

PANGANGAILANGAN SA WHOLE-OF-THE-NATION NA DISKARTE PARA SA PAGPAPATULOY NG INKLUSIBO AT NAGSUSUSTINING KAPAYAPAAN, IGINIIT NG MAMBABATAS

Inihain ni Rep. Luz Mercado (1st District, Southern Leyte) ang House Bill 2374, na naglalayong isailalim sa institusyon ang Whole-of-the-Nation na diskarte, upang matiyak ang pagpapatuloy ng mga polisiya ng pamahalaan para makamit ang inklusibo at nagsusustining kapayapaan. 


Ipinaliwanag ni Mercado, isang bagitong mambabatas, na ang Executive Order (EO) No. 70 ay nauna nang nagbigay-buhay sa isang Task Force sa Whole-of-the-Nation na diskarte, subalit ang pagpapatuloy ng polisiya ay nakasalalay sa nakaupong Pangulo. 


Nanganganib rin itong mahinto kapag iba na ang administrasyon. 


“Considering the issuance of EO No. 70, Series of 2018, the implementation of the Whole-of-the-Nation approach presents a policy that is worth institutionalizing,” ayon kay Mercado sa kanyang paliwanag sa panukala. 


Ang Whole-of-the-Nation Approach ay ang polisiya ng pamahalaan na: 1) iprayoridad at pag-isahin ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo at social development packages, sa mga lugar na apektado ng mga hidwaan at mga mahihirap na komunidad; 2) padaliin ang societal inclusivity; at 3) tiyakin ang aktibong pakikilahok ng lahat ng sektor ng lipunan sa hangaring adyenda ng kapayapaan sa buong bansa. 


Dadalhin ng panukala ang mga probisyon ng EO 70. 


Sasaklawin nito ang paglikha ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (Task Force) sa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo (OP), upang matiyak ang epektibo at episyenteng pagpapatupad ng nasabing polisiya ng pamahalaan. Kaugnay nito, nananawagan ang panukala ng pagpapatibay ng isang National Peace Framework. 


Ang balangkas na ito ay maglalaman ng mga prinsipyo, polisiya, plano, at mga programa na maghahatid ng inklusibo at nagsusustining kapayapaan, at matugunan ang mga dahilan ng insurhensya, pangloob na kaguluhan, at tensyon, kabilang ang mga armadong digmaan at banta sa mga itinuturing na lugar. 


Lahat ng mga departmento, kagawaran, tanggapan, ahensya o instrumentalidad ng pamahalaan, kasama ang government-owned and controlled corporations (GOCCs), at state universities and colleges (SUCs) ay imamandato na magbahagi ng kinakailangang suporta sa Task Force. 


Samantala, ang pribadong sektor, non-government organizations (NGOs) at iba pang nagsusulong ay hihimukin na makilahok sa lahat ng mga programa, plano, at mga aktibidad sa pagtatatag ng kapayapaan, sa pagpapatupad ng balangkas.

No comments:

Post a Comment