Tuesday, August 16, 2022

MALAWAKANG CARTEL, HOARDING AT PROFITEERING, DAPAT IDEKLARANG ECONOMI SABOTAGE — SALCEDA

Iginiit ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Salceda na dapat nang maideklarang “economic sabotage” ang large-scale o malawakang cartel, hoarding at profiteering.


Pormal nang inihain ni Salceda ang House Bill 3596, kung saan kanyang pina-aamyendahan ang Anti-Agricultural Smuggling Act, sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga parusa na tinukoy sa ilalim ng Section 5 ng “Price Act.”


Ayon sa mambabatas, layon ng kanyang panukala na mas tumalim ang ngipin ng batas, at mapatawan ng mas mabigat na parusa ang mga lalabag gaya ng habambuhay na pagkakakulong at malaking multa.


Gusto rin umano niyang magkaroon ng legal na basehan ang pamahalaan para ma-raid ang mga warehouse o masalakay ang mga hoarder at nasa likod ng cartel, gaya sa sektor ng asukal.


Higit sa lahat, pakay ng panukala na maprotektahan ang mga magsasaka at mga consumer laban sa mga pang-aabuso.


Sa House Bill, pinadedeklara ni Salceda na economic sabotage ang cartel, pag-iimbak at profiteering ng iba’t ibang produktong-agrikultural gaya ng asukal, mais, baboy at manok, isda, bawang, sibuyas at mga gulay, na mayroong minimum na halagang P1 million; habang kapag sa bigas ay minimum na P10 million.


Ang hoarding ay ang hindi nararapat na akumulasyon o pag-iimbak ng anumang pangunahing kalakal na lampas sa normal na imbentaryo; at hindi makatwirang limitasyon o pagtanggi na itapon, ibenta, o ipamahagi ang mga stock ng anumang produkto.


Ang profiteering naman ay ang pagbebenta ng anumang produkto sa mga presyong labis-labis sa tunay na halaga nito.


Samantala, ang cartel ay ang kasunduan o sabwatan ng mga partido na nakikibahagi sa produksyon, pamamahagi, pagbebenta, at pag-iimbak ng mga kalakal upang artipisyal at hindi makatwirang makapagtaas ng mga presyo.

No comments:

Post a Comment