Inaprubahan ang mga pinagsamang House Bills 617, 1088, 2129, at 2846 ngayong Miyerkules, ng Komite ng Basic Education at Culture ng Kapulungan ng mga Kinatawan na pinamumunuan ni Pasig City Rep. Roman Romulo, na naglalayong paunlarin ang pagpapanatili at proteksyon ng pambansang pamana ng kultura sa pamamagitan ng pinahusay na patakarang pangkultura, edukasyon sa pamana, at pagmamapa ng kultura.
Ang mga panukalang batas ay naglalayong amyendahan ang Republic Act 10066, o ang "National Cultural Heritage Act of 2009."
Sinabi ni Pangasinan Rep. Christopher De Venecia, may-akda ng HB 617, na ang kanyang panukalang batas ay naglalayong baguhin, isama, at iakma ang mga tuntunin at probisyon sa kasalukuyang kalagayan ng industriya ng kultura.
Sinabi rin niya na ang HB 617 ay aatasan ang mga Local Government Units (LGUs) na magsagawa ng cultural mapping sa kani-kanilang teritoryo, gayundin ang pagbibigay ng kapangyarihan sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA), na magbigay hindi lamang ng teknikal, kungdi pati na rin ng tulong pinansyal sa mga LGU para makapagsagawa sila ng wastong cultural mapping.
Ang iba pang may-akda ng may parehong paksa ay sina Reps. Luis Raymund Villafuerte Jr. (2nd District, Camarines Sur), Jose Francisco Benitez, Ph.D (3rd District, Negros Occidental) at Gus Tambunting (2nd District, ParaƱaque City). Pinag-usapan at inaprubahan din ng Komite ang HB 1994, o ang "Cultural Property Sightline Act," na inihain ni Rep. Edcel Lagman.
Aniya ang panukala ay napakahalaga dahil naglalayong protektahan at itaguyod ang mga ari-arian na pamana ng kultura ng bansa, partikular na ang integridad, mga manonood, at pagpapahalaga sa mga heritage site at istraktura.
Samantala, inaprubahan din ang HB 2708, o ang "Philippine Indigenous and Traditional Writing Systems Act," na may mga amyenda. Sina TINGOG Partylist Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre ang nag-akda ng panukala.
Panghuli, pinagtibay ng Komite ang ilang resolusyon ng Kapulungan tulad ng: 1) HRs 88 at 111, na binabati at pinuri ang Tribu Lumad Basakanon ng Lungsod ng Cebu sa pagwawagi ng gintong medalya sa internasyonal na kategorya ng Powerful Daegu Festival sa South Korea; 2) HR 110, pagbati at pinupuri ang walong bagong miyembro ng Order of the National Artists para sa 2022; at 3) HR 113, binabati at pinupuri si Gina Apostol sa pagkapanalo ng 2022 Rome Prize sa Literature.
Ang mga ahensyang pangkultura, tulad ng NCCA, National Historical Commission of the Philippines (NHCP), National Museum of the Philippines (NMP), at National Library of the Philippines (NLP) ay nagpahayag rin ng kanilang suporta para sa pag-apruba ng mga panukala ng Kapulungan, na tumalakay sa hybrid na pagpupulong ngayon.
No comments:
Post a Comment