Pormal nang hiniling ni House Minority Leader Marcelino Libanan sa Mababang Kapulungan ng imbestigahan ang kontrobersiya sa Sugar Order no. 4 o ang naunsyaming pag-aangkat ng 300,000 metriko toneladang asukal.
Sa kanyang House Resolution 259 --- inaatasan ang House Committee on Good Government and Public Accountability at Committee on Agriculture and Food na agarang magdaos ng “joint inquiry” sa ilegal na pag-iisyu ng SO no. 4.
Matatandaan na nakwestyon ang naturang kautusan makaraang pirmahan ito ng nagbitiw na si Agriculture Usec. Leocadio Sebastian at iba pang opisyal, nang walang otoridad ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na siyang namumuno bilang kalihim ng Department of Agriculture.
Maliban kay Sebastian ay nagbitiw na rin sa pwesto sina SRA administrator Hermenegildo Serafica at Sugar Board member Atty. Roland Beltran.
Nauna nang nagdaos ng “joint briefing” ang dalawang komite ng Kamara ukol sa usapin, kung saan imbitado ang mga opisyal ng DA, Sugar Regulatory Administration o SRA at iba pang ahensya at stakeholders.
Pero katwiran ni Libanan, kailangan ng mas malalimang pagsisiyasat sa usapin, upang mabatid kung may naganap bang sabwatan sa tangkang importasyon ng asukal, at para pagpaliwanagin ang mga dawit na opisyal para sa posibleng kriminal na asunto.
Binanatan naman ng Lider ng Minorya ang dating pamunuan ng DA na bigo umanong palakasin ang lokal na produksyon at sa haluo ay panay pag-aangkat ang inatupag.
Ngunit sa kasalukuyang administrasyon, umapela si Libanan na dapat bumuo at mag-isyu ng malinaw na patakaran ukol sa importasyon ng mga produktong-agrikultural lalo na sa panahon ng harvest season, hindi lamang para sa asukal kundi iba pa pang pagkain at ani upang hindi maging pasakit sa mga magsasaka at producers.
No comments:
Post a Comment