Tuesday, August 16, 2022

PAGPASA NG 2023 BADYET SA KAPULUNGAN SA TAKDANG PANAHON, TIWALA ANG LIDERATO

Tiwala ang liderato ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa panahon na kanilang itinakda para sa kanila, upang aprubahan at ipasa ang panukalang pambansang badyet para sa 2023.


Umaasa sina House Majority Leader Manuel Jose "Mannix" Dalipe, Marikina City 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo, at Pwersa ng Bayaning Atleta Party-list Rep. Margarita Ignacia "Migs" Nograles na magiging maayos ang pagbalangkas ng pambansang badyet o General Appropriations Bill (GAB) sa kapulungan, na siyang may kapangyarihan sa pondo, o ‘power of the purse.’ 


Ang National Expenditure Program (NEP), na siyang batayan ng GAB, ay isusumite sa Kapulungan sa Lunes, ika-22 ng Agosto. Sa ika-30 ng Setyembre, ang Kapulungan ay magre-recess sa unang pagkakataon ng ika-19 na Kongreso, at hindi ito magbabalik sesyon matapos ang isang buwan, sa ika-6 ng Nobyembre.


Nang matanong si Dalipe hinggil sa talaan ng badyet, inihayag niya sa pulong balitaan ng Ugnayan sa Batasan Majority News Forum, na: "Kaya, we were able to do it. Kailangan lang i-manage 'yung time, 'yung scheduling plus 'yung deliberations." 


"Last Congress nagawa natin 'yun, we were able to beat the September 30 deadline, giving all members of the House of Representatives time to deliberate, interpellate intelligently with all the departments. Dito nagsimula 'yung proseso, at gusto naming mabigyan lahat ng mga miyembro ng Kamara ng panahon na ma-scrutinize 'yung budget. And we were able to do that," ani Dalipe. 


"I can confidently say, we can make the September 30 deadline," pagdidiin ng Zamboanga City 2nd district congressman. 


Nagpahayag naman ng pananaw si Quimbo, senior vice chairman ng House Committee on Appropriations, kung papaano tatalakayin ng Kapulungan ang NEP. 


"August 22 is when we expect the NEP to be submitted to us by the executive and basically...this is merely a ceremonial turnover. After that, we will now have the budget briefings. So ito na 'yung sequential budget briefings with every agency and this will start on August 26 with a briefing by the DBCC (Development and Budget Coordination Committee)," aniya. 


Ayon sa kanya, plano ng Komite na tapusin ang pagtalakay at pagdinig sa badyet ng bawat ahensya  sa ika-16 ng Setyembre. Nangangahulugan ito na may dalawang lingo ang plenaryo ng Kapulungan na maaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang GAB bago ang itinakdang recess. 


Pinatunayan ni Quimbo ang kakayahan ni Dalipe na isulong ang pagpasa sa GAB sa takdang panahon. 


"As you may know, si Majority Floor Leader Dalipe was a former vice chair of the appropriation committee at ako ay buhay na saksi sa hard work at dedication ni Majo Dalipe sa lahat ng budget deliberations," ani Quimbo.


"Simple lang naman yan, talagang makukuha talaga sa hard work ng mga members," giit pa ng mambabatas mula sa Marikina. 


Para naman kay Nograles, sinabi niya na ang lupon ng apropriyasyon ay magdaraos ng pagdinig ngayong linggo upang ihanda sa pagsusumite ng NEP. 


"We already have a meeting this week for the Committee on Appropriations to be able to really buckle down and talk about the budget that we will be handling. We aim to finish that before [the start of the recess] on September 30," ani Nograles. #

No comments:

Post a Comment