Tinalakay ngayong Lunes ng magkasanib na pagpupulong ng mga Komite ng Good Government and Public Accountability na pinamumunuan ni San Jose Del Monte City Rep. Florida “Rida” Robes, at Agriculture and Food na pinamumunuan ni Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga sa Kapulungan ng mga Kinatawan, kasama ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan, upang imbestigahan ang Sugar Order (SO) No. 4, na magpapahintulot sa pag-angkat ng 300,000 metriko tonelada ng asukal.
Sinabi ni Enverga na tinutulan ng karamihan ng mga lokal na magtutubo ang SO 4. Dagdag pa niya, ito ay "iligal" na nilagdaan ng mga kasapi ng lupon ng Sugar Regulatory Administration (SRA), kabilang si dating Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastion.
Sa kanyang bahagi, ipinaliwanag ni Robes na ang tanging awtorisado ng SRA ay si Pangulong Marcos bilang tumatayong Kalihim ng Agrikultura.
Samantala, sinabi ni Sebastian na agad siyang nagbitiw sa kanyang puwesto "nang hindi aprubahan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang kanyang aksyon."
Dagdag pa niya, nilagdaan niya ang SO 4 batay sa datos na ibinigay sa kanya na may napipintong kakulangan sa suplay ng asukal ngayong taon.
Sa kawalan ng isang resolusyon sa Kapulungan, nagkaisang inaprubahan ng mga kasapi ng Komite ang isang mosyon na pormal na magsagawa ng imbestigasyon motu proprio, na magbibigay-daan upang mas masusing masiyasat ang usapin.
Sa pamamagitan nito, magkakaroon ng pagkakataon ang mga mambabatas na makapagtanong, at oobligahin ang mga panauhin na makapagsalita nang nanumpa.
Bago magtapos ang pagdinig, nanawagan sina Negros Occidental Rep. Juliet Marie de Leon Ferrer at ACT Teachers Rep. France Castro sa iba pang kasapi ng lupon ng SRA, na lumagda sa SO 4, na kusa nang magbitiw bago pa ang susunod na pagdinig sa ika-18 ng Agosto 2022.
No comments:
Post a Comment