Ipapatuloy ng Mababang Kapulungan sa susunod na linggo ang “joint briefing” nito kaugnay sa kontrobersyal na Sugar Order no. 4 o naunsyaming pag-aangkat ng tatlong daang libo (300,000) metriko toneladang asukal.
Ito ay sa kabila ng pagbibitiw ng ilan pang lumagda sa SO no. 4, gaya ni Sugar Regulatory Administration o SRA Administrator Hermenegildo Serafica at Board Member Atty. Roland Beltran.
Sa isang pahayag, sinabi ni San Jose del Monte, Bulacan Rep. Rida Robes, na ang kanyang pinamumunuang House Committee Good Government and Public Accountability katuwang ang Committee on Agriculture and Food na pangunguna ni Quezon Rep. Mark Enverga ay muling magsasanib-pwersa para sa ikalawang briefing sa Lunes, Aug. 22.
Pahaharapin dito ang mga opisyal ng Department of Agriculture, SRA at iba pang ahensya at stakeholders.
Ani Robes, gusto nila na makuha ang panig ng dalawa pang opisyal na nagbitiw sa pwesto at iba pang imbitadong resource persons.
Dagdag pa ni Robes, layon ng joint briefing ng Kamara na malinawan ang mga mambabatas hinggil sa iba’t-ibang isyu na kinakaharap ng industriya ng asukal kasama na ang usapin sa supply at pagpapalakas s lokal ng produksyon at mga magsasaka na kasali rito.
Matatandaan na ang SO no. 4 ay tinawag na “ilegal” ng Malakanyang, dahil hindi ito aprubado ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
No comments:
Post a Comment