Ipinasisiyasat na sa Kamara ang kontrobersyal na pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy o NCAP sa ilang siyudad sa Metro Manila.
Sa House Resolution 237 ni Quezon City Rep, Marvin Rillo --- hinihimok ang House Committees on Local Government; Metro Manila Development at Transportation na magdaos ng imbestigasyon “in aid of legislation” ukol sa implementasyon ng NCAP at upang makatukoy ng mga angkop hakbang para sa kapakanan ng mga motorista at mga commuter.
Bukod dito, gusto rin ni Rillo na suspendihin ang implementasyon ng NCAP, habang wala pang “uniform guideline” para rito.
Ayon kay Rillo, mayroong iba’t ibang isyu na ipinupukol sa NCAP, na gumagamit ng CCTVs, digital cameras at artificial intelligence upang mamonitor, makuhanan at maparusahan ang mga drayber na pasaway umano sa mga kalsada.
Halimbawa rito ang mga sinasabing paglabag ng mga motorista sa batas trapiko at iba pang rules and regulations, pero may potensyal na pang-abuso umano sa implementsyon ng NCAP gaya ng masyadong mataas, at hindi makatarungang multa at parusa, bukod pa sa abala.
Sa ngayon, ipinatutupad na ang NCAP sa Maynila, Paraanque, Quezon City at Valenzuala, habang iiral na rin ito sa San Juan ngayong buwan. May kaparehong patakaran din ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA katuwang ang Land Transportation Office o LTO.
Umaasa naman si Rillo na magdaraos pa rin ng pagsisiyasat ang Kamara kahit may ilang transport group na ang dumulog sa Korte Suprema laban sa NCAP.
No comments:
Post a Comment