Wednesday, August 17, 2022

MGA ISYU HINGGIL SA TV5 NETWORK AT ABS-CBN, PINA-IIMBESTIGAHAN SA KAMARA NG MGA MAMBABATAS

Ilang resolusyon ang inihain sa Kamara na nagpapaimbestiga sa ilang isyu laban sa TV5 Network Inc. at ABS-CBN Corporation.


Sa House Resolution 280 ni Zamboanga Sibugay Rep. Wilter Palma --- inaatasan ang House Committee on Legislative Franchises na magdaos ng pagsisiyasat “in aid of legislation” ukol sa alegasyong “foreign ownership” ng ABC Development Corporation o TV5 sa kasalukuyan.


Ayon kay Palma, maaaring paglabag sa 1987 Constitution at legislative franchise ng TV5 sakaling mapatunayan na ito ang pag-aari ng isang Indonesian national.


Samantala sa hiwalay na House Resolution 281 na akda naman ni Quezon Rep. David Suarez, inaatasan din ang Committee on Legislative Franchises na imbestigahan ang maaari umanong “franchise violation” ng TV5 dahil sa “block time agreement” nito sa ABS-CBN Corporation.


Sinabi ni Suarez na kamakailan ay inanunsyo ang sanib-pwersa ng TV5 at ABS-CBN, kung saan ipalalabas ang ilang programa ng ABS-CBN at TV5; gayundin ang pag-acquire ng ABS-CBN ng 34.99% ng total voting at outstanding capital stock ng TV5.


Habang sa House Resolution 282 ni TGP PL Rep. Bong Teves --- ipinasisiyasat ang pag-ere ng news program na “TV Patrol” sa ibang istasyon na maaari umanong paglabag din sa legislative franchises.


Bukas, magdaraos ng briefing ang House Committee on Legislative Franchises ukol sa mga usapin laban sa TV5 at ABS-CBN, pero base sa abiso ay hindi raw ito bukas sa media.

No comments:

Post a Comment