Thursday, August 18, 2022

MGA OPISYAL SA PABAHAY, PINULONG NG MGA MAMBABATAS HINGGIL SA MGA POLISIYA

Nagdaos ng pagpupulong ang mga mambabatas ngayong Huwebes sa mga opisyal ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), National Real Estate Corp. (NREA), Subdivision and Housing Development Association (SHDA), Chamber of Real Estate and Builders Association, Inc. (CREBA), kabilang ang Organization of Socialized and Economic Housing Developers of the Philippines (OSHDP), hinggil sa mga polisiya upang tugunan ang mga usapin at mga alalahanin na kinakaharap sa sektor ng pabahay, sa pamamagitan ng lehislasyon. 


Pinangunahan nina Rep. Marissa “Del Mar” Magsino (Party-list, OFW) at House Committee on Housing and Urban Development Chairperson Rep. Jose Francisco “Kiko” Benitez, na parehong mula sa Minority bloc, ang dayalogo sa polisiya sa mga opisyal ng pabahay. 


Sinabi ni Magsino na ang pagpupulong sa polisiya ay nangunguna sa kanyang “to do list” nang siya ay mahalal na mambabatas ngayong ika-19 ng Kongreso, upang isulong ang mga nabinbing lehislasyon para iangat ang kalagayan sa sektor ng pabahay. 


Isang halimbawa sa mga panukalang ito ay ang Land Use Bill, na matagal nang nakabinbin simula pa noong 1990’s. 


Ayon kay Magsino, nakakahikayat ang mensahe ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa ginanap na NREA mid-year general assembly, nang kanyang sabihin na sinusuportahan niya ang pagpasa ng Land Use Bill, at ng panukalang polisiya na magsasaayos at pagsasama-samahain ang magkakasalungat na batas sa pabahay, polisiya, prisipyo at patakaran. 


Binanggit ni NREA Board Chairman Ricky Celis ang mga mungkahing lehislasyon sa industriya ng real estate, tulad ng mga inilatag sa National Land Use Bill; amyenda sa batas na namamahala sa socialized housing at economic housing; amyenda sa P.D. 957, na namamahala sa bentahan ng mga subdivision lots at condominiums; at amyenda sa Real Estate Service Act (RESA). 


Sinabi ni Benitez na isinusulong ni House Committee on Ways and Means Chairman Rep. Joey Salceda ang batas na magbibigay-linaw sa pagbubuwis, at pabibilisin ang real property valuation. 


Iminungkahi naman ni Rafael Hernandez ng Rafeli Realty & Development Corp. na ang hangganan ng halaga ng presyo ng mga materyales na lumber at hardware na ginagamit sa socialized housing ay mapababa.

No comments:

Post a Comment