Itinutulak sa Kamara na maisabatas ang panukalang pagbibigay ng dalawang libong piso (P2,000) na “teaching supplies allowance” kada buwan para sa mga guro ng mga pampublikong paaralan sa bansa.
Ito ang House Bill 3543 nina Davao City Rep. Paolo Duterte at Benguet Rep. Eric Go-Yap, na nagsabing napapanahon nang gawing institusyon ang pagkakaloob ng allowance sa mga guro na inaasahang makakabawas sa kanilang pansanin at makakatulong din sa gitna ng mataas na presyo ng mga bilihin.
Sa ilalim ng panukala, ang dalawang libong pisong buwanang allowance ay gagamitin sa pagbili ng mga gamit o materyal para sa implementasyon ng iba’t ibang Learning Delivery Modalities o LDMs, sa loob ng school year.
Kapag naman naging ganap na batas, ang pondo para sa teaching supplies allowance ng mga public school teachers ay ikakarga sa taunang pondo ng Department of Education o Deped.
Sa kanilang explanatory note, ipinaliwanag nina Duterte at Yap na ang pagtuturo ay isang propesyon na nagsisilbing pundasyon ng lahat ng iba pang propesyon.
Sa katunayan anila, ang mga guro ay “modern day heroes” ngunit ang kanilang sweldo ay hindi makatapat sa kanilang malaking kontribusyon at sakripisyo lalo ngayong COVID-19 pandemic.
Problemado rin umano ang mga guro sa teaching supplies na karaniwang ang pambili ay galing pa sa sarili nilang bulsa, kaya nararapat lamang na sila ay matulungan.
No comments:
Post a Comment