Nagdaos ng paunang pagpupulong ngayong Miyerkules ang Komite ng Ways and Means sa Kapulungan ng mga Kinatawan para sa Ika-19 na Kongreso, na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda kung saan ay mabilis na pinagtibay ang Mga Panuntunan at Pamamaraan ng Komite.
Sa pagsisimula, ibinahagi ng Department of Finance (DOF), Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC), at National Tax Research Center (NTRC) sa Komite ang kanilang mga nagawa sa mga nakaraang taon, at mga prayoridad na programa para sa taong 2022. Iniulat naman ni Finance Secretary Benjamin Diokno na nakakolekta ang DOF ng ₱575.7 bilyon sa pamamagitan ng pagpasa ng ilang mga batas sa reporma sa buwis, mula 2018 hanggang 2021.
Humingi rin siya ng suporta para sa Medium-Term Fiscal Framework ng pamahalaan na makakatulong sa pagpapahusay ng pagiging patas, at kahusayan ng sistema ng pangongolekta ng buwis sa bansa.
“We will work as one in building a robust economy for a faster, greener, and more inclusive growth that benefits all Filipinos,” aniya.
Binanggit naman ni BIR Commissioner Lilia Guillermo na nakamit ng BIR ang 93.67 porsiyento ng target na koleksyon nito para ngayong taon, na umaabot na sa ₱1.13 bilyon.
Idinagdag pa niya na nakatuon ang pagsisikap ng BIR sa taong kasalukuyan sa pagpapatupad, pagsubaybay sa pagsunod sa pagbabayad ng buwis, gayundin sa mga programa sa pagpapahusay ng mga serbisyo ng pangangasiwa at suporta.
Para naman sa BOC, inilahad ni Assistant Commissioner Vincent Maronilla na patuloy nilang ginagawa ang digitisasyon ng mga aktibidad, at transaksyon nito na sumusuporta sa Anti-Red Tape Act.
Kasama ng mga pagpapahusay sa pagkontrol sa mga hangganan at pagtataguyod ng integridad at pagiging bukas, nagsasagawa din ang BOC ng mga inisyatiba sa programa ng kompyuterisasyon ng customs, anti-smuggling, anti-corruption, pagpapadali ng kalakalan at koleksyon ng buwis.
Samantala, sinabi ni NTRC Executive Director Marlene Lucero-Calubag na determinado ang NTRC na magbigay ng tulong teknikal sa DOF sa pagpapatupad nito ng mga panukalang batas sa pagbubuwis.
Inaprubahan din ng Komite ngayong araw ang mga wala pang bilang na substitute bills, kasama ang katumbas na Ulat ng Komite sa 1) HB 53 o ang panukalang “Ease of Paying Taxes Act,” 2) HB 372, na nagpapataw ng value-added tax sa mga digital na transaksyon sa Pilipinas, at 3) HB 220, na nagpapataw ng excise tax sa mga plastic bag. Nilinaw ni Salceda, may-akda ng HB 372, na hindi ito magpapataw ng karagdagang buwis sa mga digital service provider (DSP), ngunit magbibigay ng mekanismo sa pamahalaan na makakolekta ng value-added tax mula sa mga hindi residenteng DSP.
Sinabi niya na makakatulong ito sa pagkakaroon ng pantay na oportunidad para sa mga lokal na DSP, pati na rin ang pasimplehin ang pagsingil at pagpaparehistro para sa mga VAT-registered nonresident DSPs.
Ang mga panukalang ito ay nakasalang na sa ikalawang pagbasa ng deliberasyon sa plenaryo.
No comments:
Post a Comment