Wednesday, August 17, 2022

DAPAT NANG BAGUHIN ANG KASALUKUYANG PORMA NG SRA O KAYA AY TULUYANG BUWAGIN - SALCEDA

Tahasang sinabi ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda na ang Sugar Regulatory Administration o SRA sa kasalukuyang porma nito ay dapat nang baguhin o kaya’y tuluyang buwagin.


Ayon kay Salceda, isang “failed agency” ang SRA at hindi naging epektibo sa mandato nito na paunlarin ang lokal na industriya ng asukal.


Pinuna rin ng mambabatas ang mababa nitong “utilization rate” o paggamit ng pondo ng Sugarcane Industry Development Act o SIDA at TRAIN Law.


Pinalutang naman ni Salceda na baka maaaring bumuo ng isang mas teknikal na lupon na pamumunuan ng Department of Agriculture o DA, at magpapasya kung kinakailangan ba na mag-angkat ng asukal at kung magkano.


Ang mga uubrang miyembro aniya ng naturang lupon ay mga planter, millers, industrial users, consumer group, at Bangko Sentral ng Pilipinas (para sa inflation targeting) at National Economic and Development Authority o NEDA (para sa epekto sa ekonomiya).


Inirerekumenda rin ni Salceda na ang mga programa sa industriya ng asukal ay gawing “streamlined” na sa loob ng DA, at naaayon sa pangkalahatang direksyon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. para sa sektor ng agrikultura.

No comments:

Post a Comment