Sinabi ngayong Lunes ni Rep. Marissa Magsino (Party-list, OFW) sa sesyon sa plenaryo, na isusulong niya ang isang panukala na magtataguyod sa kapakanan at proteksyon sa mga karapatan ng mga overseas Filipino workers (OFWs), lalo na ang pagtatatag ng mga OFW family centers.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Magsino na magbabahagi rin ng mga serbisyong welfare assistance at counseling ang mga OFW family centers sa mga naiwang pamilya ng mga OFWs, kabilang na ang pagsasagawa ng mga programa sa scholarship para sa kanilang mga anak.
Kanyang sinabi na ang pangingibang bansa ng mga Pilipino, upang humanap ng mas mainam na pagkakakitaan ay kadalasang may kaakibat na sakripisyo at kabayaran.
“We are all too aware that our overseas workers often fall prey to illegal recruitment, such as contract-switching, non-provision of mandated benefits, high placement fees, and costs of other regulatory requirements,” pahayag niya.
Bukod pa rito, nakakaranas rin sila ng hindi makatarungang pagdurusa sa pisikal, damdamin, at sikolohical na pagmamaltrato o mga maling kasong kriminal at labag sa batas na pagkakabilanggo.
Tinalakay rin ni Magsino ang mga pamilyang naiwan na siyang dumaranas ng kahirapan, at mga pagsubok dulot ng pisikal na pagkakawalay.
“But more disturbing is the fact that children are also at the receiving end of the social costs, and often are worst hit,” panlulumo pa niya.
Binanggit ni Magsino ang halagang panlipunan ng pangingibang bansa dahil sa trabaho, na ang isa rito ay ang pagkakawatak-watak ng pamilya.
Nanawagan si Magsino sa pamahalaan na maging mas maagap sa kanilang mga polisiya, at mga programa sa pangangalaga hindi lamang ng mga OFWs, kungdi maging ang kanilang mga pamilyang naiiwan.
Sa interpilasyon ni Rep. Richard Gomez (4th District, Leyte) matapos ang privilege speech ni Magsino, tinanong siya kung anong pamamaraan ang kanyang iminumungkahi na maaaring itugon ng Kapulungan sa mga kasong umuuwi ang mga OFWs na walang naimpok sa kanilang pagtatrabaho.
Sinagot ni Magsino na dapat gabayan ang mga OFWs kung papaano nila matitipid ang kanilang mga kita sa pamamagitan ng financial literacy, upang matuto sila na makapag-impok para sa kanilang mga pangangailangan sa hinaharap.
No comments:
Post a Comment