Thursday, August 25, 2022

MGA PROBISYON NAKAPALOOB SA BAGONG PINAGTIBAY NA BATAS NA RA 11904, TINALAKAY NG KOMITE SA UNA NITONG PAGPUPULONG

Nagsawa ngayong Huwebes ng kanilang unang pagpupulong ang Espesyal na Komite ng Creative Industry at Performing Arts sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Pangasinan Rep. Christopher De Venecia, at tinalakay ang kamakailan lamang isinabatas na Republic Act 11904, o ang "Philippine Creative Industries Development Act."  


Sinabi ni De Venecia na gagawin nila ang lahat upang makapagpasa ng maraming mga batas, dahil siya ay nahikayat sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang unang SONA, na uunahin niya ang mga industriya ng malikhain at turismo upang lumikha ng isang pambansang pagkakakilanlan. 


Tinalakay ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Rafaelita Aldaba ang mga pangunahing probisyon ng batas, tulad ng paglikha ng Creative Industries Development Council, at ang pagbabalangkas ng Implementing Rules and Regulation (IRR) nito.  


Ibinahagi naman ni Department of Foreign Affairs-UNESCO National Commission of the Philippines (DFA-UNACOM) Deputy Executive Director Lindsay Barrientos, at Thames Innovation and Creative Entrepreneurship (ICE) Program Manager Kat Mallillin ang UNESCO Creative Cities Network at ang Philippine Creative Cities Playbook. 


Ang playbook ay binuo upang isulong at suportahan ang mga mithiin ng mga lokal na lungsod sa kanilang aplikasyon na mapabilang sa UNESCO Creative Cities Network. 


Pinagtibay din ng Komite ang House Resolutions 178 at 112, gayundin ang mga kaukulang Ulat ng Komite.  


Ang HR 178 ay inihain ni Zamboanga City Rep. Khymer Adan Olaso, na pumupuri kay G. Adonis Castillo Asid sa pagwawagi nito ng gintong medalya sa mga kategorya ng latin at opera, pilak naman sa orihinal na kategorya, at apat na espesyal na parangal sa 2022 World Championships of Performing Arts. 


Samantala, iniakda ni De Venecia ang HR 112, na bumabati at pumupuri sa GIGIL, isang independiyenteng malikhaing ahensya, sa pagkamit ng bronze sa ikalawang sunod na taon sa 2022 Cannes Lions International Festival of Creativity. Panghuli, inaprubahan din ng Komite ang panukalang baguhin ang pangalan ng Komite bilang Special Committee on Creative Industries.

PROBLEMA SA BOCKLOG NG MGA LICENSE PLATES, MAY GINAGAWANG HAKBANG NA ANG LTO

Tiniyak ng Land Transportation Office (LTO) na may ginagawa na silang hakbang para matugunan ang problema sa backlog ng mga license plate lalo na sa mga motorsiklo.


Ipinagmamalaki namang ibinalita ni LTO Chief, Atty. Teofilo Guadiz III sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Transportation na updated na ngayon ang license plate para sa mga 4-wheel vehicle.


Ang tanging problema na kanilang sinu solusyunan ngayon ang backlog sa mga license plate ng mga motorsiklo.


Ayon kay Transportation House panel chief, Rep.Romeo Acop, na batay sa COA report ang backlog sa production ng license plate as of 2020 ay nasa 8.12 million.


Inamin naman ni Atty. Guavis na ang ahensiya ay nangangailangan ng 11 million license plate para lamang ito sa mga motorsiklo.


Dahil dito sinabi ng LTO chief na ito ang tinututukan ngayon ng ahensiya.


Aniya, nagsimula na silang mag-purchase na ng mga dagdag na materials para sa production ng mga license plate.


Nagpapatupad na rin ang LTO ng 24-hour shifts sa kanilang Quezon City plate stamping facility para maideliver ang long-overdue na 10-million plate number backlog na naiwan ng nagdaang dalawang administrasyon.


Inihayag din ni Guavis na dinagdagan din nila ang kanilang manpower para mapabilis ang kanilang trabaho.


Inihayag ni Guavis sa mga mambabatas na humiling ang kaniyang mga tauhan ng isang taon at kalahati para tugunan ang problema sa backlog ng mga license plate.

KASUNDUANG PAGSASANIB UMANO NG TV-5 AT ABS-CBN, INIMBESTIGAHAN NG MAGKASANIB NA KOMITE

Nagdaos ng magkasanib na pagdinig ngayong Miyerkules ang Komite ng Legislative Franchises na pinamumunuan ni Rep. Gus Tambunting (2nd District, Parañaque City), at Komite ng Trade and Industry na pinamumunan ni Rep. Mario Vittorio Mariño (5th District, Batangas), sa Kapulungan ng mga Kinatawan, sa napaulat na ‘pagsasanib’ ng TV-5 Network Incorporated at ABS-CBN Corporation. Ang pagsisiyasat ng Kongreso ay batay sa privilege speech ni Rep. Rodante Marcoleta (Partylist, SAGIP) sa plenaryo noong ika-15 ng Agosto 2022. 


“Ang sinasabi natin dito, kinakailangan ba payagan natin sila kaagad na makasakay sa ibang prangkisa ng hindi po nase-settle etong napakaraming mga sagutin na ito at obligation na taong bayan na po ang nakakaalam noong tayo po ay nagkaroon ng malawakang public hearing dito,” ani Marcoleta. 


Nagpahayag si National Telecommunications Commission (NTC) Commissioner Atty. Gamaliel Cordova sa lupon na nagpalabas sila ng Memorandum Order 003-06-2022, na nag-uutos sa mga franchise holders na bayaran ang kanilang mga obligasyon sa pambansa at lokal na pamahalaan, bago sila lumagda sa anumang komersyal na kontrata sa ibang kompanya. 


Samantala, sinabi ni Securities and Exchange Commission (SEC) General Counsel Atty Romuald Padilla na inatasan na nila ang ABS-CBN, na bigyan sila ng mga kopya ng investment at convertible note agreements. 


Sinabi rin niya na hindi tinitingnan ng SEC na ang kasunduan ay ‘pagsasanib’ sa ilalim ng mga probisyon ng Revised Corporation Code. 


Iminungkahi niya sa Kapulungan na silipin ang usapin hinggil sa ‘controlling interest’ upang malaman kung kinakailangan pa ang pag-apruba alinsunod sa iminamandato ng batas sa prangkisa. 


Ayon kay Philippine Competition Commission (PCC) Commissioner Johannes Bernabe, ang transaksyon ay hindi kailangang ipabatid batay sa umiiral na pampublikong impormasyon ng kasunduan. 


"It does not meet the transaction value under the Bayanihan to Recover as One Act or Bayanihan 2," ani Bernabe. 


Ang batas aniya rito ay kailangan lamang rebisahin ng PCC ang mga pagsasanib at acquisition sa mga transaksyon na nagkakahalaga ng mahigit sa P50-bilyon sa loob ng dalawang taon, o hanggang ika-15 ng Setyembre 2022. Bukod pa rito, binanggit rin ni Bernabe na ang PCC ay kailangan pa na lalong suriin ang transaksyon ng dalawang networks, kung epektibo ba itong makakakumpitensya sa merkado.

PANUNTUNAN SA PAGPAPALIT NG PANGALAN SA MGA LANSANGAN AT PAMPUBLIKONG ISTRAKTURA, TINALAKAY NG KOMITE NG PUBLIC WORKS AT HIGHWAYS

Nagdaos ng pagpupulong para sap ag-oorganisa ngayong Miyerkules ang Komite ng Public Works at Highways ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Surigao del Sur Rep. Romeo Momo at pinagtibay nito ang Rules of Procedure para sa ika-19 na Kongreso. 


Sa kanyang pambungad na mensahe, sinabi ni Momo na ang Komite ay may hurisdiksyon sa lahat ng mga bagay na direkta at pangunahin na may kaugnayan sa pagpaplano, pagtatayo, pagpapanatili, pagpapabuti, at pagkukumpuni ng mga pampublikong imprastraktura kasama ang mga gusali, highway, tulay, kalsada, parke, dambana, monumento at iba pang pampublikong edipisyo ng makasaysayang interes, pagpapatapon ng tubig, at kontrol at proteksyon ng baha; mga kagamitan sa tubig; at paggamit ng tubig ng pampublikong pag-aari. 


Nagpahayag siya ng pag-asa na ang Public-Private Partnership (PPP) Rationalization Bill, na ipinasa ng Komite ng Public Works and Highways noong ika-18 Kongreso at isa sa mga prayoridad n panukala ng administrasyong Marcos, ay maipasa na ngayong ika-19 na Kongreso. 


Matappos nito ay nagsagawa ng briefing ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways sa pangunguna ni Secretary Manel Bonoan at National Historical Commission of the Philippines Supervising History Researcher Ian Christopher Alfonso, sa mga kinakailangan ng kani-kanilang ahensya kaugnay ng mga panukalang batas sa: 1) pagbabago sa lansangan at paglikha, pag-uuri, o muling pag-uuri ng mga opisina ng inhinyero ng distrito; at 2) ang kanilang binagong mga alituntunin sa pagpapangalan at pagpapalit ng pangalan ng mga kalye, pampublikong paaralan, liwasan, gusali, tulay, at iba pang pampublikong istraktura. 


Tinukoy ni DPWH Assistant Secretary for Planning Constante Llanes Jr. ang road conversion bilang “the process of changing the organization who is responsible for funding the operation and maintenance, or has ownership of the road.” 


Aniya, ang dalawang paraan para sa road conversion ay: 1) prosesong administratibo kung saan inaprubahan ng DPWH Secretary ang isang Department Order sa hinihiling na road conversion; at 2) prosesong lehislatura. 


Samantala, ipinaliwanag ni Alfonso na ang mga pampublikong istraktura ay maaaring pangalanan o palitan ng pangalan ng: 1) Pangulo sa pamamagitan ng isang proklamasyon, 2) Kongreso, sa pamamagitan ng batas para sa mga makabuluhang lugar sa bansa, at 3) mga lokal na pamahalaan, alinsunod sa itinatadhana ng LGU Code of 1991.

PACKAGE 4 NG TRAIN LAW AT FISCAL REGIME FOR MINING INDUSTRY, INAPRUBAHAN NG KOMITE NG KAPULUNGAN

Inaprubahan ngayong Miyerkules ng Komite ng Ways and Means sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda  ang substitute bill sa House Bills 375, 2111, at 3244 o ang panukalang Package 4 ng Republic Act 10963, na kilala rin bilang “Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.”  


Dating kilala bilang  “Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act (PIFITA),” aamyedahan ng Package 4 ang ilang mga seksyon ng RA 8424 o National Internal Revenue Code (NIRC) ng 1997, na naamyendahan na, upang bawasan ang singil sa halaga ng documentary stamp tax (DST) na ipinapataw sa lotto ticket mula P0.20 hanggang P0.10. 


Ipinaliwanag ni Salceda, may-akda ng HB 375, na bagaman ito ay maaaring magdulot ng pagkalugi ng kita sa pamahalaan, makakatulong naman ang panukala sa pagtiyak na ang kita ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay hindi babagsak dahil sa tumataas na presyo ng tiket sa katagalan. 


Sumang-ayon din ang Komite na isama sa panukalang batas ang mungkahi ng Department of Finance (DOF), kasama ang Department of Trade and Industry (DTI), na alisin ang excise tax exemption ng mga pick-up truck na ipinakilala sa ilalim ng TRAIN. 


Ito ay nakasaad sa isang liham na ipinadala ni Finance Secretary Benjamin Diokno, kung saan binanggit din niya na magreresulta ito sa tinatayang karagdagang kita na P52.6 bilyon mula 2022 hanggang 2026. Gayundin, inaprubahan ng Komite ang substitute bill sa HBs 373, 2014, 2246, at 3888 o ang panukalang “Philippine Mining Fiscal Regime Act.” 


Binanggit ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo, may-akda ng HB 2246, na nakapag-ambag ang sektor ng pagmimina at quarrying ng P1.44.4 bilyon, o limang porsyento sa gross domestic product ng bansa noong 2021. 


Samantala, ipinahayag ni Salceda, may-akda ng HB 373, na ang isang rehimeng pagmimina na may mga mekanismo na sumusunod sa kapaligiran, panlipunan, at pamamahala ay makakatulong sa mga kumpanya na magkaroon ng oportunidad sa dayuhang kapital at teknolohiya.

ORGANIZATIONAL MEETING NG KOMITE NG SOCIAL SERVICES, IDINAOS; SOLUSYONG TUMUTUGON PARA SA MGA MARALITANG FILIPINO, ISUSULONG

Nagsagawa ng organizational meeting ngayong Huwebes ang Komite ng Social Services ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Rosanna “Ria” Vergara (3rd District, Nueva Ecija) at inaprubahan ang Rules of Procedures nito. 


Alinsunod sa House Rules, ang Komite ng Social Services ay may hurisdiksyon sa lahat ng mga bagay na direkta at pangunahing nauugnay sa panlipunang pag-unlad, at mga serbisyong panlipunan, pati na rin ang mga interbensyon na nagpapaunlad at nagpapataas ng kalidad ng buhay ng indibidwal at komunidad. 


Sa kanyang pambungad na mensahe, nagpasalamat si Vergara kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataon "to help shape the future of one of the most vulnerable sectors of our society." 


Nagpasalamat din siya sa mga vice chairperson at miyembro ng importanteng Komite. 


“Your voices are much needed in our ongoing dialogues and consultations with the affected sectors and constituencies, and your advices and inputs in all our policies will always be considered and deeply appreciated,” aniya. 


Ayon kay Vergara, adhikain ng Komite na maibsan ang kalagayan ng mga mahihirap na Pilipino, at pagbutihin ang kalidad ng buhay ng indibidwal at komunidad. 


“We must craft responsive, proactive, and most importantly, long lasting solutions that that would help realize President Bongbong Marcos’s vision of ending the vicious cycle of poverty in our country,” ani Vergara. 


Batay sa paunang resulta ng Family Income and Expenditure Survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2021, sinabi ni Vergara na ang poverty incidence ay itinuring na nasa 18.1 percent, na nangangahulugang nasa 20 milyong Pilipino na ngayon ay nabubuhay sa ilalim ng poverty threshold.

PANUKALANG PAGPAPALIBAN NG BARANGAY AT SK ELECTIONS, DI NA KAILANG DUMAAN PA SA COMMITTEE ON APPROPRIATIONS

Sinabi ni Cavite 4th District Rep. Elpidio Barzaga, hindi na kailangang dumaan sa committee on appropriations ang substitute bill o panukalang nagpapaliban sa 2022 barangay and Sangguniang Kabataan elections.


Inaprubhan na ng committee on suffrage and electoral reforms ang nabanggit na panukala at ayon sa chairman ng komite na si Mountain Province Rep. Maximo Dalog, bago i-akyat sa plenaryo ay idadaan muna ito sa committee on appropriations para sa usaping pagpopondo.


Giit ni Barzaga, ang panukala ay para lamang sa pagpapaliban ng Barangay at SK elections at wala pang pondo para dito ang pinag-uusapan.


Paliwanag ni Barzaga, ang pagtalakay ukol sa magiging gastusin para sa susunod na eleksyon ay kasama sa gagawing paglatakay sa panukalang 2023 national budget.


Sa ilalim ng substitute bill, ay iuurong sa unang Lunes ng Dec. 2023 ang Barangay at SK Elections na nakatakda sa Dec. 5, 2022 at uupo sa pwesto ang mga mananalo dito sa Jan. 1, 2024

ORGANIZATIONAL MEETING NG KOMITE NG TRANSPORTASYON, IDINAOS; USAPIN AT ALALAHANIN SA SEKTOR NG TRANSPORTASYON, INIHAYAG NG DOTr

Idinaos ngayong Huwebes ng Komite ng Transportasyon sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Romeo Acop (2nd District, Antipolo City) ang kanilang pulong sa pag-oorganisa, kung saan tinalakay ng lupon ang kanilang tanggapan, istraktura, at pagpapatibay ng kanilang mga tuntunin at patakaran. Inaprubahan din ng lupon ang paglikha ng mga subcommittees sa Aviation, Road, Rail, at Maritime. 


Sa kanyang pambungad na mensahe, sinabi ni Acop na ang sektor ng transportasyon ay isa sa mga nangungunang tagasulong ng ekonomiya, na kinikilala ang mga limitadong pagkilos dahil sa idinulot ng pandemya, na naging dahilan ng hindi maiiwasang pagkakalugmok at nahintong paglago ng ekonomiya ng bansa.   


“The transport sector might be plagued by debilitating problems, but these problems are not unsolvable. And this Committee shall always subscribe to data-driven, expertise-led, and practicable on-the-ground solutions,” pagtitiyak niya. 


Iprinisinta ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Timothy John Batan ang mga kasalukuyang usapin at alalahanin ng sektor, kabilang na ang mga panukalang lehislasyon ng Kagawaran. 


Subali't ang mga binanggit na panukala ay hindi kasama sa badyet ng ahensya sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP), ayon kay Secretary Jaime Bautista. Sinabi ni Acop na ang badyet ng ahensya ay kinaltasan sa Fiscal Year 2022 dahil sa kanilang mababang absorptive capacity. 


Tiniyak naman ni Transportation Undersecretary Kim Robert De Leon na ang  utilization rate ng ahensya ay makabuluhang napabuti, na matapos ang katapusan ng Hulyo 2022 ay nakapagpalabas sila ng pondo katumbas ng halaga ng buong taon na paggasta sa taong 2021.  


Nang matanong hinggil sa “No Contact Apprehension Policy” na ipinaiiral ng mga lokal na pamahalaan sa MetroManila, iniulat ni Transportation Undersecretary Mark Steven Pastor na ang ahensya ay nakapagsimula na ng pakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng technical working group, sa  Metro Manila Development Authority (MMDA) at mga may kinalamang lokal na pamahalaan, upang rebisahin ang programa. 


Samantala, umaasa ang mga mambabatas sa patuloy na implementasyon ng Service Contracting at Programang Libreng Sakay na susuporta sa mga tsuper, mga operator, at mga pasahero.

MGA DRIVER NA HINDI PA NABAYARAN SA ILALIM NG SERVICE CONTRACTING PROGRAM, TINUTULUNGAN NG DOTR

Tinutulungan na ng dept of transportation ang mga driver na hindi pa umano nababayaran sa ilalim ng service contracting program.


Ayon kay transportation usec. Steve pastor, isinangguni na nila sa angkop na labor agencies ang mga driver ng EDSA bus way na hindi pa nakatatanggap ng bayad.


Paliwanag ni Pastor nakipag-kontrata sila sa mga operator ng bus na siyang magpapasweldo sa kanilang mga driver at konduktor.


Ilan sa mga driver ng ES Consorium at Mega Manila Consortium na nag ooperate sa EDSA Bus carousel ang nagrereklamo na 23% lamang imbes na 30% share ng sahod ang kanilang nakukuha salig na rin sa LTFRB Memorandum Circular 2021-029.


Pagtitiyak naman ni Pastor na nabayaran na ng naturang mga operator ang kanilang mga driver.


“Hence we are assisting po the drivers na, that are coming to LTFRB and reporting the said non-payment of wages. We are assisting them to settle the matter through the proper labor agencies. There are a few po dito sa ating EDSA bus way and I understand po Mr. Chair that the bus operator has already settled with their drivers po.” Ani Pastor.

ABOT-KAYANG KURYENTE AT CLEAN ENERGY, KABILANG SA PINONDOHAN SA 2023 NEP

Kabilang ang abot-kayang kuryente at clean energy sa mga pinondohan sa 2023 national expenditure program.


P476 million ang funding ang inilaan para sa iba’t ibang programa ng Dept of Energy tulad ng Renewable Energy Development Program, Energy Efficiency and Conservation Program at Alternative Fuels and Technologies Program.


Bahagi rin nito ang Public-Private partnership para sa nuclear energy upang mapagbuti ang suplay ng kuryente ng bansa.


10,000 household naman ang target pailawan ng DOE sa pamamagitan ng kanilang total electrification project na may pondong P500 million.


Habang para sa sitio electrification program ng national electrification administration, P1.6 billion ng funding ang ipinanukala para pailawan ang 1,085 na sito sa buong bansa.


Batay sa inilabas na schedule ng budget hearings, September 1, o sa susunod na Huwbes tatalakayin ang panukalang budget ng Dept of Energy kasama ang Energy Regulatory Commission.

Wednesday, August 24, 2022

KAWALANG ALOKASYON PARA SA SERVICE CONTRACTING PROGRAM - LIBRENG SAKAY SA 2023 NEP, KINUMPRMA

Walang alokasyon ang Service Contracting Program-Libreng Sakay ng pamahalan, sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program.


Ito ang kinumpirma ni Transportation Usec. Steve Pastor sa pagdinig ng House Committee on Transportation.


Aniya, nag-request ang Department of Transportation o DOTr ng P12 billion para sa programa para sa susunod na taon. Gayunman, hindi naisama sa 2023 NEP.


Kaya naman, ani Pastor, umaapela ang DOTr sa Kongreso na kung maaari ay mapondohan ang Service Contracting Program upang sa susunod na taon ay pondo pa rin sa Libreng Sakay.


Ayon kay ACT Teachers PL Rep. France Castro, sana nga ay matulungan ng mga mambabatas ang DOTr para sa naturang programa dahil malaking tulong talaga ito para sa publiko.


Sa panig naman ni Dumper-PTDA PL Rep. Claudine Bautista, nakakaalarma na walang pondo ang Libreng Sakay Program sa ilalim ng 2023 National Budget.


Aniya, sana ay maipagpatuloy ito pero dapat umanong maging maayos ang pagbabayad sa mga tsuper upang sila ay ganahan sa trabaho.

PULONG NG LTO AT LIMAMG LGU HINGGIL SA NCAP KINUMPIRMA NG ISANG OPISYAL

Kinumpirma ni LTO Chief Atty. Teofilo Gadiz III sa mga mambabatas na kasalukuyang nagsasagawa ng pulong ang LTO at limang local government units na nagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy.


Sa briefing ng DOTR sa House Committee on Transportation, natanong ni 1 Rider PL Rep. Rodge Guttierez kung ano na ang ginagawa ng kagawaran para tugunan ang reklamo at issue ng NCAP.


Ayon kay Gadiz, layon ng pulong na ma-plantsa ang gusot sa pagpapatupad ng NCAP tulad na lamang ng halaga at kung sino ba ang dapat pagmultahin.


Bahagi rin ng rekomendasyon ng LTO-TWG ang pagkakaroon ng module kung saan para sa mga public utility vehicle kung saan ang multa para sa violation ay ipapataw sa driver ng PUV at hindi sa operator ngunit sa mababang halaga.


Katunayan, iminumungkahi ng LTO na i-harmonize ng mga LGU ang kanilang panuntunan sa NCAP sa panuntunan ng MMDA kung saan higit na mas mababa ang multa kumpara sa fines na ipinapataw ng LGUs.


Paglilinaw naman ni Transportation Asec. Steve Pastor, hindi polisiya ng LTO ang NCAP bagkus ay ipinatutupad lamang ang ordinansa ng mga lokal na pamahalaan.


Ito ang dahilan kung bakit kusa nang bumuo ng technical working group ang LTO kasama ang mga LGU para ayusin ang NCAP.

HINIMOK ANG DOH AT IATF SA KAMARA NA BUMILI NA NG REFORMATTED NA MODERNA BOOSTER SHOTS LABAN SA OMICRON

Hinimok ni House Committee on Health Vice Chair Angelica Natasha Co ang DOH at IATF na mag-order na ng reformatted o bagong Moderna booster shot laban sa Omicron variants.


Ito’y kasunod ng ulat na nagsumite na ng application ang Moderna para sa emergency use authorization sa US FDA para sa kanilang Omicron booster vaccines.


Ayon kay Co bagamat epektibo pa rin ang kasalukuyang COVID-19 vaccine na nasa imbentaryo ng bansa, dapat ay habang maaga pa lang ay masiguro nang makakakuha ng suplay ang Pilipinas ng reformulated vaccine.


Umaasa rin ang BHW Party-list solon na aprubahan na ng ating Food and Drug Administration (FDA) ang provisional o full certificate of product registration para sa COVID vaccines ng Moderna at Pfizer.


Iminungkahi rin Co na imbes na palawigin ang state of calamity at maglabas ng bagong executive order kaugnay sa estado ng public health emergency upang matiyak na magtutuloy-tuloy ang effectivity ng EUA ng COVID-19 vaccines hanggat hindi pa nakakapaglabas ng CPR ang FDA para dito.

SUBSTI BILL TUNGKOL SA PANUKALANG BARANGAY AT SK ELECTIONS, APRUBADO NA SA KOMITE

Pasado na sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang “substitute bill” ng panukalang ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan o SK Elections na dapat idaraos sa Dec. 5, 2022.


Sa botong  11-pabor, 0-tutol --- pormal nang inaprubahan ang substitute bill na wala pang numero at “subject to style,” habang aprubado na rin ang committee report.


Sa ilalim nito, sa halip na gawin sa Dec. 5, 2022 ang halalang pambarangay at SK, idaraos na lamang ito sa unang Lunes ng Dec. 2023. Ang mga mananalo rito ay pormal na uupo sa pwesto sa Jan. 1, 2024.


Matapos nito ay magkakaroon naman ng Barangay at SK Elections, kada tatlong taon, batay pa rin sa panukala.


Para sa mga incumbent o kasalukuyang opisyal ng mga barangay at SK, iiral ang “hold-over capacity” o mananatili muna sila hanggang sa makapaghalal na ng mga bago. (maliban na lamang kung naalis o suspendido sa pwesto)


Nauna nang inihain ang halos 40 House Bills sa Kamara para isulong ang postponement ng eleksyon ngayong taon, at sa halip ay ilapat ng petsa.


Karamihan sa mga may-akda ay nagsabing gamitin na lamang muna ang pondo para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.


Pero ayon sa Commission on Elections o Comelec, kapag inilipat pa ang petsa ng Barangay at SK Elections ay dagdag-gastos pa ito.


Samantala, sinabi ni Committee on Suffrage and Electoral Reforms chairperson Maximo Dalog Jr. na isasalang ang panukala sa House Appropriations Committee para sa usaping pagpopondo, bago ito tuluyang mai-akyat sa plenaryo ng Kamara.

ANTI- FLOOD MASTER PLAN PARA SA METRO MANILA, PINASISIYASAT ANG KAKAYAHAN NITO

Ipinasisiyasat ni House Deputy Speaker Ralph Recto sa Kamara ang estado at kakayahan ng “anti-flood master plan” para sa Kalakhang Maynila at mga kalapit na lugar at matiyak ang “cost-effective” na paggastos para sa naturang plano.


Sa House Resolution 224 --- inaatasan ang House Committee on Public Works and Highways na magdaos ng imbestigasyon “in aid of legislation.”


Ito ay para na rin makahanap ng mga solusyon sa palagi na lamang problema sa baha lalo’t ang Pilipinas ay isa sa mga bansang madalas tamaan ng kalamidad na mayroong average na 20 bagyo kada taon.


Halimbawa pa ng mambabatas, ang “Habagat” na karaniwang nararanasan tuwing Hulyo hanggang Setyembre ay nagdudulot ng malawakang pagbaha sa Metro Manila.


At dahil dito, iba’t ibang kalsada ang hindi o mahirap madaanan ng mga sasakyan at libo-libong mga pasahero ng pampublikong transportasyon ang nai-stranded.


Batay naman sa Department of Public Works and Highways o DPWH, 3 ang pangunahing rason ng pagbaha sa Kalakhang Maynila --- una, ang malaking volume ng tubig na nagmumula sa kabundukan ng Sierra Madre; ikalawa, ang mga baradong kanal; at ikatlo, presensya na “low-lying communities” sa Manila Bay at Laguna Lake.


Sinabi ni Recto na mayroong P350 billion Metro Manila Flood Management Master Plan, na roadmap ng pamahalaan at naka-programa mula 2012 hanggang 2035.


Samantala sa higit P785 billion na pondo ng DPWH sa ilalim ng 2022 National Budget, tanging P128.97 billion ang laan sa Flood Management Program.

SISIMULAN NA NG KAMARA BUKAS ANG PAGHIMAY SA 2023 PROPOSED NATIONAL BUDGET

Sisimulan na bukas ng Kamara ang deliberasyon sa committee level ng 2023 proposed national budget na nagkakahalaga ng 5.268-trillion pesos.


Sa gagawing budget briefing ng Development Budget Coordination Committee, magpi-prisinta ang mga miembro ng economic team ng Marcos administration sa paggagamitan ng panukalang budget para sa susunod na taon.


Kabilang sa magpapaliwanag sina Budget Secretary Amenah Pangandaman, NEDA Secretary Arsenio Balisacan, Finance Secretary Benjamin Diokno at Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP Governor Felipe Medalla.


Tatalakayin ng DBCC ang sources of financing, expenditure levels at budget proposal ng ibat-ibang ahensiya ng gobyerno.


Una rito, sinabi ni House Speaker Martin Romualdez, sisikapin ng Kamara na matapos ang pagtalakay at deliberasyon sa 2023 proposed national budget bago mag-October 1 - bago mag-recess ang 19th Congress hanggang November 6.


Naisumite na noong Lunes sa Kamara ni Secretary Pangandaman ang kopya ng National Expenditure Program o 2023 proposed national budget na nagkakahalaga ng 5.268-trillion pesos.

PAGREPASO SA SUGARCANE INDUSTRY DEVEPOMENT ACT, IMINUNGKAHI

Nanawagan si Quezon 2nd District Representative David “Jayjay” Suarez sa mga kasamahang mambabatas na repasuhin ang mandato ng Sugar Regulatory Administration (SRA) salig sa Executive Order No. 18 at ang Sugarcane Industry Development Act of 2015.


Kasunod ito ng naging pag-amin ni dating SRA Administrator Hermenegildo Serafica sa ginawang pagdinig ng House Committee on Good Governance and Public Accountability at Agriculture and Food --- na hindi naman bumuti ang kalagayan ng sugarcane farmers mula nang itatag ang SRA 35-taon na ang nakalipas


Ayon kay Suarez, hindi nagagampanan ng ahensya ang mandato nito dahil patuloy pa ring nakaasa sa pag-aangkat ng asukal ang bansa na nagreresulta sa patuloy na pahirap at mababang kita ng mga magsasaka ng tubo.

 

Bunsod nito itinutulak ni Suarez na hanapan ng legislative remedy ang SRA upang maisa-ayos ang pamamalakad nito o kaya ay tuluyan nang buwagin ang ahensiya.


"I think it is time that Congress review the mandate and continued existence of the SRA. We can recommend legislative remedies and improve it, or maybe we can even recommend its abolition, whichever would bring more benefit to our sugarcane planters, laborers, and other stakeholders" saad ni Suarez.

MGA ESTUDYANTE SA NAGSARANG COLEGIO DE SAN LORENZO, IPINANAWAGAN NA MAILIPAT SA IBANG ESKUL

Personal na umapela si Quezon City 1st district Rep. Juan Carlos “Arjo” Atayde sa Commission on Higher Education (CHED) na tulungan makalipat ang mga estudyante ng nagsarang Colegio de San Lorenzo.


Sa pakikipag-usap ng mambabatas kay CHED Chair Prospero “Popoy” de Vera hiniling nito na matulungan ng ahensya na mapabilis ang paghahanap ng malilipatang eskuwelahan at ang proseso ngpaglilipat ng apektadong mga estudyante.


Kabilang sa tulong na hiling ng neophyte solon ang pag proseso mga dokumento para sa transfer; pagpapaliban sa pagbabayad ng tuition fee sa bagong eskuwelahan hanggat hindi nakukuha ang refund mula sa Colegio de San Lorenzo at ma-credit ang grades ng mga mag-aaral na may academic honors.


"Sa tingin ko kailangan talaga ng tulong para ma facilitate ang paglilipat; there may be delays in the processing of the students' transfer requirements given how many of them need these documents. We will make every effort to request the  schools accepting these students to hopefully consider crediting them for the grades they earned while in Colegio de San Lorenzo; hindi naman kasalanan ng bata na nagsara ang eskwelahan," ani Atayde.


Kasabay nito, inaaral din ni Atayde ng posibleng pagpapataw ng sanction o parusa sa naturang paaralan dahil sa niya’y “traumatizing inconvenience” ng biglaan nitong pagsasasra.


Punto ng kinatawan, bagamat naiintindihan ang hirap ng epekto ng pandemiya, dapat ay nakapaglatag aniya sila ng contingency plan upang hindi nadamay ang kanilang mga estudyante.

MGA PANUKALANG BATAS HINGGIL SA MODERNISASYON NG BUREAU OF IMMIGRATION, INAPRUBAHAN NG KOMITE NG KATARUNGAN SA KAMARA

Nagsagawa ngayong Miyerkules ng unang pagpupulong ang Komite ng Justice sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Negros Occidental Rep. Juliet Marie de Leon-Ferrer, at inaprubahan ang House Bills 127, 194, 274, 1069, 2398, at 3300, na nagmumungkahing isabatas ang Modernisasyon ng Bureau of Immigration. Nilalayon ng mga panukala na maipatupad ang mga polisiya, tuntunin at regulasyon sa imigrasyon ng Pilipinas, at mapangasiwaan bilang mga instrumento para maitaguyod ang mga panloob at panlabas na interes ng bansa, bilang pagkilala sa pangangailangan na makahikayat at mapahusay ang mamumuhunan ng kapital, kalakalan at komersiyo, pagpapalitan ng kultura, gayundin, ang iba pang anyo ng magandang pakikipag-ugnayan at pagtutulungan, at iba pa. 


Ang mga panukalang batas ay iniakda nina Ferrer, at Reps. Jurdin Jesus Romualdo, Luis Raymund ‘LRay’ Villafuerte Jr., Minority Leader Marcelino Libanan, Marie Bernadette Escudero, at Rufus Rodriguez, ayon sa pagkakasunod. 


Nagmosyon si Rodriguez na aprubahan ang mga panukalang batas, kasama ang HB 127 bilang pangunahing panukalang batas. 


Aniya, ang HB 3300 na kaniyang iniakda ay isang panukala na muli niyang inihain, batay sa ekstensibong pagtalakay ng HB 8850 noong ika-18 Kongreso, na inaprubahan sa ikatlong pagbasa at kalaunan ay isinumite sa Senado. 


Nagpahayag naman ng kanilang pagsuporta ang ilang mambabatas na naroroon sa pagdinig sa panukala at nagmosyon na sila ay gawing kapuwa may-akda nito. Inulit naman ni APEC Party-list Rep. Sergio Dagooc ang mosyon ni Rodriguez na aprubahan ang HB 127, na pinagtibay naman ng Komite. 


Bago maaprubahan ang panukalang batas, nilatag ni Justice Secretary at dating Cavite Rep. Jesus Crispin Remulla ang mandato, tungkulin at gawain ng DOJ. 


Sinabi ni Remulla na mayroong 10 ahensya ang nasa illalim ng DOJ, kabilang dito ang National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Immigration (BI), at Bureau of Corrections. Aniya, ang mandato ng DOJ ay hango sa Executive Order 292: Revised Administrative Code of 1987, na inilabas ni dating Pangulong Corazon Aquino.

NANANATILI ANG POSISYON NG PCGG NA PANATILIHIN AT PALAKASIN ANG KANILANG TANGGAPAN

Ito ang tugon ni PCGG Chair John Agbayani nang matanong ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez kung sang-ayon ba ito na tuluyan nang lusawin ang tanggapan sa gitna na rin ng isinusulong na rightsizing sa gobyerno.


Punto ni Rodriguez nagkakaroon kasi ng overlapping sa mandato ng PCGG lalo na pagdating sa paghahain ng kaso sa mga sangkot sa nakaw na yaman, na ginagawa rin ng Office of the Solicitor General, Ombudsman at DOJ.


Sagot ni Agbayani tuwing magpapalit ng administrasyon ay mayroong nagtutulak para sa pagbuwag ng PCGG.


Dagdag pa nito na maliban sa pangunahin mandato na i-recover ang umano’y ill-gotten wealth ng pamilya Marcos ay ginawaran din aniya sila ng kapangyarihan na imbestigahan at mag-prosecute ng graft and corruption cases upang tulungan ang Ombudsman.


Ngunit inamin din ng opisyal na hindi pa sila nakakapag hain ng anomang kaso na may kauganayan sa graft and corruption.


Dahil dito sinabi ni Rodriguez na ibigay na lamang sa ibang ahensya sa ilalim ng DOJ ang ang pag-recover sa ill-gotten wealth at ipaubaya na sa ombudsman at solicitor general ang paghahain naman ng kaso laban sa katiwalian.


“as for the first one, the recovery, whatever that’s not been recovered can certainly be given to an office in the department of justice. What I’m saying isa that let us be able to look, specially in this time when we are limited with our resources that we cannot be continuing to be spending and spending for many agencies of our government. That is why madame chair if the second role for the past four years there has been no case on graft and corruption and that is expected because the DOJ is there, and the ombudsman is there. And that is why madame chair I really believe that chairman Agbayani and the commissioners would take a second look on how the PCGG would be able to wind up already all its affairs.” Saad ni Rodriguez.