Isinalin at isinapilipino ni: Terence Mordeno Grana
Mga kababayan, ang mga batas na pinaiiral sa ating bansa ay ginagawa ng mga mambabatas na bumubuo sa tinatawag nating Kongreso ng Pilipinas, o mas kilala bilang Lehislatura. Ang Kongreso ay binubuo ng dalawang sangay o kapulungan — ang Mababang Kapulungan (House of Representatives) at ang Mataas na Kapulungan (Senado).
Ang mga kasapi sa Mababang Kapulungan ay tinatawag na Kinatawan o Kongresista — maaaring lalaki o babae. Sila’y hinihalal ng taumbayan tuwing eleksyon at may tatlong taong termino sa panunungkulan. Maari lamang silang magsilbi nang sunud-sunod hanggang tatlong termino o siyam na taon.
Sa buong bansa, may 243 distrito na bawat isa ay may sarili’t natatanging kinatawan. Sa bawat distrito, may humigit-kumulang 250,000 katao ang naninirahan, at isa sa kanila ay maaaring maging inyong halal na kinatawan sa Kongreso. Bukod dito, may mga party-list representatives din na kumakatawan sa mga sektor ng lipunan — at sila’y hindi dapat lumagpas sa 20% ng kabuuang bilang ng mga Kinatawan.
Sa kabilang banda, ang mga mambabatas sa Senado ay tinatawag na Senador. Sila’y inihalal ng buong bansa (hindi lang ng isang distrito), at may anim na taong termino sa panunungkulan. Katulad ng mga Kinatawan, limitado rin ang kanilang panunungkulan — dalawang magkasunod na termino lamang o labindalawang taon ang pinakamahaba. Sa kasalukuyan, may 24 na Senador sa buong bansa.
Kung nais mong maging Kinatawan, dapat ikaw ay:
• Isinilang na Pilipino (natural-born),
• Rehistradong botante ng distrito kung saan ka tatakbo,
• Nanirahan sa naturang distrito ng di bababa sa isang taon bago ang araw ng halalan,
• At hindi bababa sa 25 taong gulang.
Para naman sa pagka-Senador:
• Dapat ay isinilang na Pilipino,
• Botante at residente ng Pilipinas nang hindi bababa sa dalawang taon bago ang eleksyon,
• At 35 taong gulang pataas.
Batay sa ating Saligang Batas, ang Kongreso ay regular na nagbubukas ng sesyon tuwing ika-apat na Lunes ng Hulyo bawat taon. Ang isang regular na sesyon ay maaaring tumagal hanggang tatlumpung araw bago muling magbukas ang susunod na regular session sa sumunod na taon.
Ngunit sa mga pagkakataong may kagyat o pambihirang pangyayari, maaaring magpatawag ng espesyal na sesyon ang Pangulo ng Pilipinas upang agad na talakayin ng Kongreso ang mga usaping nangangailangan ng agarang aksyon.
No comments:
Post a Comment