MARAMI TAYONG MATUTUTUNAN SA ELEKSYON SA INDONESIA – 06.18.1999
ni: Terence Mordeno Grana
(Noong panahong iyon, Chief ako ng Indexing and Monitoring Group, Bills and Index Service, House of Representatives Secretariat, Constitution Hills, Quezon City.)
Sa paanyaya ni Pangulong B.J. Habibie ng Indonesia, nagpadala ang pamahalaan ng Pilipinas ng isang delegasyong binubuo ng 108 volunteers mula sa National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL), sa pangunguna ni Chairman Jose Concepcion bilang mission chief at Gen. Thelmo Cunanan bilang deputy chief of mission, upang magsilbing international observers sa kanilang halalan noong ika-7 ng Hunyo, 1999.
Mapalad ako’t napabilang sa delegasyong iyon — saksi sa kauna-unahang malayang halalan ng mga Indonesian matapos ang 44 na taong pagkakaantala ng tunay na demokratikong eleksyon.
Pagdating namin sa Jakarta noong ika-3 ng Hunyo, habang papunta pa lang kami sa hotel mula sa Sukarno-Hatta International Airport, bumungad na agad sa amin ang dagsa ng mga taong nakapula, nagra-rally sa kalsada — mula bata hanggang matanda. Iyon pala ang araw ng kampanya ng PDI-Perjuangan, partido ni Megawati Sukarnoputri.
Ramdam na ramdam mo ang diwa ng kanilang pagkakaisa — parang EDSA People Power ang vibes, may sayawan, may awitan ng kanilang himno ng buong sigasig — pero disiplinado. Kinabukasan, ang Golkar naman (ang partido ng administrasyon) ang may rally, pero hindi kasing-ingay o kasing-kulay ng PDI.
Ang kapansin-pansin sa kanila: matapos ang kampanya, parang walang nangyaring rally — malinis ang lansangan, walang kalat, walang posters sa pader o tulay. Sinikap nilang linisin agad ang mga ito bago pa man sumapit ang takdang oras ng pagtatapos ng kampanya. Yan ang dapat tularan ng atin.
Dalawang araw bago ang botohan, na-deploy na kami sa kanya-kanyang assignment. Napabilang ako sa 23 na ipinadala sa East Java. Mula Jakarta, sumakay kami ng domestic flight na tumagal ng isa’t kalahating oras papuntang Surabaya, ang kabisera ng probinsya. Apat kami — isang pari, isang dean ng unibersidad, isang negosyante, at ako — na naitalaga sa lungsod ng Jember, na apat na oras ang biyahe sa lupa mula Surabaya. Doon, inatasan akong i-monitor ang 12 kecamatan (parang bayan sa atin).
Kasama ko sa team ang isang Indonesian driver, isang interpreter, at isang election monitoring officer mula sa Forum Rektor — katumbas ng NAMFREL sa kanila. Binigyan kami ng high-tech na handheld communication gadget para sa regular naming pag-uulat.
Ipinakilala kami sa hepe ng pulisya sa Jember. Maayos ang pagtanggap sa amin at agad na nag-alok ng dalawang police escort bawat isa, pero magalang naming tinanggihan — kanya-kanya kaming dahilan.
Sa araw ng botohan, nasa kampo lang ang military, habang ang mga pulis ay tahimik na nakaantabay sa mga presinto para mapanatili ang kaayusan.
Maayos ang naging daloy ng botohan — eksaktong alas-siete nagsimula, hindi 6:59, hindi 7:01. Nagbukas ang proseso sa pamamagitan ng 45 minutong panalangin ng KPPS (katumbas ng BEI sa atin), humihiling sa tulong ng Allah para sa mapayapang halalan, kasunod ang panunumpa ng KPPS at ng mga kinatawan ng mga partido na tinatawag nilang “saksi”.
Sa bawat pagkakataon, tig-25 lang ang pinapayagang pumasok sa loob ng TPS (polling station), habang ang iba’y nakapila sa labas, tinatawag isa-isa gamit ang bullhorn. Bago makaboto, kailangang tiyakin ng botante na nasa listahan ang kanyang pangalan na naka-post sa labas ng TPS.
Sa pagboto, pipili ang botante ng simbolo ng partido sa balota gamit ang anim na pulgadang pako. Pagkatapos, isinasawsaw ang daliri sa bote ng indelible ink — hindi lang tinutuluan sa kuko tulad sa atin. Sila mismo ang umamin na ang ideyang ito ay hiniram nila sa atin.
Sa bilangan naman, bandang alas-dos ng hapon, binabasa at ipinapakita ng KPPS ang boto sa bawat balota sa mga saksi, na siyang nagtatala ng mga boto. Pitong saksi ang lumalagda sa dokumentong naglalaman ng opisyal na bilang ng boto.
Ang balota nila, kahoy lang — simpleng plywood — pero malaki, kaya hindi basta basta mananakaw. Sa atin, metal, pero kung saan-saan napupunta.
At eto pa — sa lahat ng international observers na naroon, gaya ng mga Amerikano, Australiano, Europeo, at Hapones — masasabi kong kami lang, kaming mga Filipino mula sa NAMFREL, ang tunay na tinanggap nang may init at sinseridad ng mga Indonesian. Doon pa lang, panalo na tayo.
—
No comments:
Post a Comment