Itinutulak ni House Deputy Speaker Ralph Recto na maipagpaliban ang Dec. 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan o SK Elections, at mailaan ang pondo nito sa mga programa ng Department of Agriculture o DA upang matiyak ang “food security and sufficiency” para sa 109 milyong Pilipino.
Sa kanyang House Bill 2185 --- isinusulong ni Recto na idaos na lamang ang halalang pambarangay at SK sa ikalawang Lunes ng Mayo 2024.
Paliwanag ni Recto, ang nagbabadyang global food crisis na dala ng COVID-19 pandemic, isyu sa supply chain, energy crisis, maging ang tensyon ng Russia at Ukraine, mataas na presyo ng mga bilihin at inflation, ay tiyak na makakaapekto at banta sa seguridad ng pagkain sa Pilipinas.
Kaya naman ilalim ng panukala ni Recto, ang “savings” o hindi pa nagagamit na budget mula sa P8.4 billion na alokasyon para sa Barangay at SK polls ay ipinalalagay sa mga programa ng DA at palakasin ang “Plant, Plant, Plant Program” o “Ahon Lahat, Pagkaing Sapat o ALPAS laban sa COVID-19."
Magbebenepisyo aniya sa mga naturang programa ang mga magsasaka, mangingisda at pati ang mga consumer.
Naririto ang subsidiya para sa mga buto at abono; credit at logistical support; modernong farming technology; at farm-to-market roads, irigasyon o patubig, at post-harvest facilities.
Ayon kay Recto, ang budget kasi na inilaan para sa mga nabanggit na programa ng DA ay hindi sasapat, kaya ang higit P8 billion na budget ng Barangay at SK Elections ay tiyak aniyang makakatulong para mapondohan ang priority programs ng DA. (Isa)
No comments:
Post a Comment