Ipinakiki-usap ni House Deputy Speaker Camille Villar sa administrasyong Marcos na palawigin ang Nationwide Libreng Sakay Program hanggang sa susunod na taon.
Sinabi ni Villar sa kanyang House Resolution 173 na habang ang bansa ay unti-unting bumabalik sa normal sa gitna ng COVID-19 pandemic at naghahanda rin sa papalapit na face-to-face classes, kailangang matiyak ng pamahalaan ang sapat na deployment ng iba’t ibang modes of transportation.
Ayon kay Villar, sa gitna ng inflation o mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at mataas pa ring halaga ng produktong petrolyo, hindi umano mabuti na singilin pa ng pasahe ang mga pasahero.
Kaya sa pamamagitan aniya ng Libreng Sakay, lalo na kung maipatutupad ng maayos at magkakaroon ng sapat na mass transportation, tiyak umanong makikinabang dito ang maraming Pilipino lalo na ang mga mahihirap.
Matatandaan na ang Libreng Sakay ay inilunsad ng Duterte administration sa kasagsagan ng pandemya, kung kailan maraming pasahero ang apektado ng serye ng mga community quarantine.
Sa ilalim ng Libreng Sakay, higit 140 ang ruta ng mga public utility jeepneys o PUJs sa buong bansa, bukod pa sa may Libreng Sakay din sa MRT-3, LRT-2, PNR at EDSA Carousel Bus.
Ang pinalawig ng administrasyong Marcos ay ang Libreng Sakay sa EDSA Carousel Bus hanggang Dec. 2022, habang ang Libreng Sakay sa LRT-2 ay mula Aug. 22 hanggang Nov.5 pero limitado na lamang sa mga estudyante.
No comments:
Post a Comment