Thursday, September 8, 2022

PAGDINIG SA 2023 PANUKALANG BADYET NG KAGAWARAN NG MIGRANT WORKERS, TINAPOS NA

Tinapos ngayong Huwebes ng Komite ng Appropriations sa Kapulunagn ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Elizaldy Co (Party-list, AKO BICOL), ang pagbalangkas ng 2023 panukalang badyet na P15.2-bilyon para sa bagong tatag na Department of Migrant Workers (DMW), na idinaos sa pamamagitan ng hybrid na pulong. 


Sa kanyang presentasyon, sinabi ni DMW Undersecretary for Finance at Internal Affairs Maria Anthonette Velasco-Allones na maglalaan ng halagang P15.2-bilyon para sa kagawaran. Sa naturang halaga, ang Office of the Secretary (OSEC) ay makakatanggap ng badyet na P3.5-bilyon. 


Mula sa halagang ito, P1.3-bilyon ang ilalaan sa personnel services (PS); P2.1-bilyon para sa maintenance and other operating expenses (MOOE), at P50-milyon para sa capital outlay. 


Samantala, ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay makakatanggap ng P11.7-bilyon. Ang halagang P 797-milyonay ilalaan sa PS; P0.9-bilyon para sa MOOE at zero sa CO. Tinalakay ni Allones ang maikling deskripsyon ng DMW. 


Ayon sa kanya, ang pangunahing mandato ng kagawaran alinsunod sa Republic Act 11641, o ang Department of Migrant Workers Act, ay protektahan ang mga karapatan at isulong ng mga kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs). 


“We are tasked to formulate, plan, coordinate, promote, administer and implement the various policies and undertake systems for us to be able to regulate, manage and monitor overseas employment and the reintegration of migrant workers,” aniya sa lupon. 


Gayundin ay naatasan sila na isulong ang kapangyarihan at proteksyon ng mga migrant workers sa pamamagitan ng pagbibigay ng kasanayan sa mga OFWs, upang sila ay magkaroon ng sapat na kaalaman at kasanayan upang matiyak ang kanilang akses sa patuloy na pagsasanay at pagpapaunlad ng karunungan. 


Sa idinaos na interpelasyon, tinanong ni Gabriela Rep. Arlene Brosas kung ilang migrant workers office (MWO) ang bubuksan ng DMW sa ilalim ng 2023 badyet. 


Sinagot ni Allones na sa 2023, ay pananatiliin nila ang 40 overseas offices na tinatawag na Philippine Overseas Labor Office (POLO), at tatawaging MWO sa ilalim ng Department of Migrant Workers Act. 


“For the next years, 2024 and onwards, we are closely coordinating with the Department of Foreign Affairs (DFA) along with the review of the density of OFW in other countries,” sagot ni Allones. 


Pinangunahan ni Committee on Appropriations Vice Chairman David Suarez (2nd District, Quezon) ang pagdinig.

MOTU PROPIO NA PAGDINIG SA SO 4 HINGGIL SA PAG-ANGKAT NG ASUKAL TINAPOS NG MAGKASANIB NA KOMITE

Tinapos na ngayong Huwebes ng magkasanib na Komite ng Good Government at Public Accountability na pinamumunuan ni Rep. Florida “Rida” Robes” (Lone District, San Jose Del Monte City), at ng Komite ng Agriculture and Food sa Kapulungan ng mga Kinatawan na pinamumunuan ni Rep. Wilfrido Mark Enverga (1st District, Quezon), ang motu proprio na pagdinig sa Order No. 4 ng Sugar Regulatory Administration, para sa pag-angkat ng 300,000 metriko tonelada ng asukal. 


Ito ay batay sa House Resolution 259 na inihain ni Minority Leader Marcelino Libanan, na nananawagan din para ng imbestigasyon sa SO 4, at ang tangkang pag-angkat ng asukal. Sa kanyang pambungad na pananalita, binanggit ni Robes ang mga makabuluhang natuklasan sa takbo ng imbestigasyon, kabilang ang katotohanan na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang Kalihim din ng Agrikultura, ay hindi naman talaga nagpatawag ng SRA Board para maglabas ng SO 4. 


Idiniin din niya na ang Executive Order No. 18, s. 1986, na nagtatag ng SRA, at Republic Act No. 10659, o ang “Sugarcane Industry Development Act (SIDA),” ay parehong tahasang walang nakalagay na probisyon na nagsasabing ang pag-aangkat ang pangunahing solusyon sa panahon ng kakapusan. 


Ito ay sinang-ayunan ni Enverga at sinabing "importation is only an option, not a priority." Idinagdag niya na maaaring kailanganin na palawakin ang SRA Board, upang matiyak na ang lahat ng nagsusulong sa sektor ng asukal ay may kinatawan. 


Para kay Rep. Rodante Marcoleta (Party-list, SAGIP), ipinahayag niya ang kanyang panawagan na imbitahan si Executive Secretary Vic Rodriguez, at sinabi na hindi tamang pag-usapan ang kanyang pagkakasangkot sa usapin kapag hindi niya kayang ipagtanggol ang sarili sa harap ng mga mambabatas. 


Aniya ang pangalan ni Rodriguez ay binanggit sa isang affidavit na inihain ni dating SRA Administrator Hermenegildo Serafica, hinggil sa online na pagpupulong kina Pangulong Marcos Jr. at Rodriguez, kung saan inulit ang tagubilin sa pag-angkat ng asukal. 


Matapos ang magkasanib na imbestigasyon, tiniyak nina Robes at Enverga na patuloy na titingnan ng dalawang lupon ang pagsunod ng SRA sa mga mandato nito sa ilalim ng 1987 Saligang Batas, EO 18, at SIDA Law, gayundin ang mga ulat sa umano'y pagpupuslit at liligal na pag-iimbak ng asukal sa buong bansa, sa susunod na nakatakdang pagdinig.

P36-B SUBSIDIYA SA INTERES NG PABAHAY PARA SA 2028 ZERO-ISF NA PROYEKTO, HINILING; PAGDINIG NG KOMITE NG APPROPRIATIONS SA BADYET NG DHUSD, TINAPOS NA

Tinapos na ngayong Huwebes ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co ang pagdinig sa P3.951-bilyong panukalang badyet ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), at mga sangay nitong ahensya para sa piskal na taong 2023. 


Sinabi ni Co sa kanyang pambungad na mensahe, na ang tungkulin ng pamahalaan ay tiyakin ang mga regulasyon, programa, at proyekto ng abot-kayang pabahay, lalo na para sa mga mahihirap na mamamayan at mga walang tirahan. 


“Let us examine these performances and decide to move forward to create new policies and creating projects that focus on addressing the cycle of homelessness in the Philippines,” aniya. 


Hiniling ni DHUSD Secretary Jose Rizalino Acuzar sa Komite ng Appropriations na isaalang-alang na muli ang P36-bilyong pagpopondo ng subsidy, sa interes ng pabahay para sa "Pambansang Pabahay Para Sa Pilipino: Zero Informal Settler Families (ISF) Program for 2028." 


Aniya, nilalayon ng departamento na gumawa ng isang "makabagong diskarte" sa pagtugon sa 6.5 milyong akumulado na pabahay sa pamamagitan ng nasabing proyekto. 


Nilalayon ng DHUSD na makapagpatayo ng isang milyong bahay bawat taon, sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor. 


Sinabi rin niya na natukoy na nila ang mga lugar kung saan ilulunsad ang unang isang milyong yunit ng pabahay. 


Tinanong naman ni Senior Deputy Minority Leader Paul Ruiz Daza ang mga opisyal ng DHUSD kung paano makakalahok ang pribadong sektor sa panukalang programa ng pamahalaan. 


Ayon kay Acuzar, inatasan sila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) at hingin ang kanilang tulong sa pagtukoy ng mga benepisyaryo. 


Ipinabatid din niya sa Komite na bumubuo na sila ng one-stop shop, upang mapabilis ang kanilang mga programa sa pabahay at mabawasan ang bureaucratic red tape sa pagkuha ng mga permiso at mga lisensya. 


Nagpahayag naman ng kanilang papuri at suporta ang ilang mambabatas sa Zero-ISF (ISF) Program para sa 2028. 


Pinamunuan din ni Appropriations Committee Vice-Chairperson at Navotas City Rep. Tobias Reynald Tiangco ang pagpupulong.

MGA STATE VISIT NI PBBM, LUBOS NA MASAGANA, PILIPINAS NAKABALIK NANG MULI SA MAPA NG KALAKALAN DALA ANG $15B PAMUHUNAN MULA SINGAPORE AT INDONESIA, AYON KAY SPEAKER ROMUALDEZ

Inilarawan ngayong Huwebes ni Speaker Martin G. Romualdez bilang ‘lubos na masagana‘ ang katatapos na opisyal na pagdalaw ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa Indonesia at Singapore, na ayon sa kanya ay nakapagdala ng pamuhunan na nagkakahalaga ng mahigit sa $15-bilyon para sa Pilipinas.


“I congratulate the President and all Cabinet Members who joined his official delegation for a job well done. The four-day trip turned out to be highly successful and very productive not only in strengthening our bilateral ties with our neighbor-countries but also in attracting much-needed investments for our people,” ani Romualdez.


Sa bansang Singapore pa lamang, nakipagkita sa Pangulo at ng kanyang delegasyon ang mga lokal na pinuno ng mga negosyante, at nangako na sila ay mamumuhunan sa mga negosyo na nagkakahalaga ng kabuuang USD 6.54-bilyon na foreign direct investments sa Pilipinas.


Ang pamuhunan mula sa Singapore, na katumbas ng PHP 374.57-bilyon, ay inaasahang makakalikha ng trabaho para sa tinatayang 15,000 na manggagawang Pilipino.


Lumagda ng Letters of Intent para mamuhunan sa Pilipinas ang mga pinuno ng mga negosyante sa Singapore, sa idinaos na Singapore Business Round Table Meeting noong ika-7 ng Setyembre, upang magpahayag ng interes sa mga sumusunod:


* Renewable Energy (floating solar) - USD 1.2 billion

* Blue Economy (Marine renewable energy, water production, desalination, electric boats, aquaculture) - USD 10 to 100 million

* Innovation Platform for Startups - USD 20 million

* Women in Tech - USD 20 million

* Data Center - USD 200 million

* Transportation (electronic tricycles) - USD 5 billion


“These investments mean thousands of new jobs for Filipinos here. Singapore officials also assured the Filipino delegation that their country is ready to roll out close to 10,000 new job orders for Filipino workers in Singapore,” ani Romualdez.


Sa bansang Indonesia, matagumpay na natapos ang pagbisita ni Pangulong Marcos noong ika-6 ng Setyembre nang may $8.48-bilyong halaga ng pamuhunan, at pangakong coal at fertilizer suplay mula sa mga lokal na negosyante.


Ang mga nilagdaang MOUs at letters of intent sa idinaos na Jakarta Business Roundtable Meeting noong ika-5 ng Setyembre 2022, ay kinabibilangan ng mga sumusunod:


*USD 822 million in investments in textiles, garments, renewable energy, satellite gateway, wire global technology, and agri-food

* USD 7 billion in infrastructure for unsolicited private-public partnerships such as a C-5 4-level elevated expressway

* USD 662 million in trade value for a supply of coal and fertilizer.


Ang mga pamuhunan mula sa Indonesia ay inaasahang makakalikha ng tinatayang 7,000 bagong trabaho sa Pilipinas.


“Overall, it’s been a highly successful, very fruitful trip. Aside from the investment pledges, there have been several mutually beneficial agreements on bilateral economic, defense, cultural, and labor and employment cooperation with the host countries,” ani Romualdez


“Thanks to the President, the Philippines is back on the map for investments and may soon fulfill its goal as Asia’s fastest rising star,” dagdag pa niya. #

PAGDINIG SA P25.89-B PANUKALANG BADYET NG DOLE, TINAPOS NA NG KOMITE NG APPROPRIATIONS

Tinapos na ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co, ang pagtalakay sa panukalang badyet ng Department of Labor and Employment (DOLE) at mga sangay na ahensya nito na nagkakahalaga ng P25.89-bilyon para sa piskal na taong 2023. 


Ang ipinanukalang badyet sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP) ay mas mababa kaysa sa kasalukuyang taong 2022 GAA badyet na P36.9-bilyon, na may pagbaba ng P11.04-bilyon o 29.9 porsyento.  


Sa kanyang pambungad na mensahe, sinabi ni Co na inalatag sa unang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang sosyo-ekonomikong adyenda ng kanyang administrasyon, adyenda tungo sa kaunlaran at pagbabago ng ekonomiya.  


“The core of raising the productive capacity of our economy intersects with developing and harnessing human resources”, ani Co.  


Binigyang-diin niya ang mahalagang papel na ginagampanan ng DOLE sa pagpapatupad ng mga polisiya na nagtataguyod ng yamang tao, pag-unlad, trabaho at empleyo, pangangalaga sa karapatan ng mga manggagawa at mga tagapag-empleyo, pagpapanatili ng kapayapaan sa industriya at produktibong pamamahala sa paggawa, relasyon at proteksyong panlipunan.  


“As we deliberate on the department’s proposed budget for fiscal year 2023, let us examine the Secretary’s perspective on labor and employment and plans of action to implement programs that contribute to the attainment of the socio-economic agenda of this administration,” aniya.  


Sa kanyang presentasyon, tinalakay ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma ang konteksto, mandato, at papel ng kanilang ahensya sa sosyo-ekonomikong adyenda, estratehikong prayoridad, mga pangunahing mga nagawa noong Hulyo 2022, gayundin ang kanilang mga layunin. 


Sina Deputy Speaker Democrito Mendoza, Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, Aklan Rep. Teodorico Haresco, Jr. at Quezon Rep. David Suarez, ang kabilang sa mga nagpahayag ng kanilang suporta na dagdagan o taasan ang binawasang badyet ng DOLE. 


Si Suarez, na siyang pangunahing mag-iisponsor ng badyet ng DOLE sa mga debate sa plenaryo, ang namuno sa pagdinig.

PULONG SA PAG-OORGANISA, IDINAOS NG KOMITE NG ENERHIYA

Idinaos ngayong Huwebes ng Komite ng Enerhiya sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Lord Allan Jay Velasco (Lone District, Marinduque) ang pagpupulong para sa pag-oorganisa, at inaprubahan ang kanilang Internal Rules of Procedure. 


Ayon kay Velasco, muli siyang nabigyan ng responsibilidad at pagkakataon na maging chairperson ng isa sa pinaka abalang Komite sa Kapulungan. 


Para sa ika-19 na Kongreso, sinabi ni Velasco na ang Komite ng Enerhiya ay magiging abala at produktibo tulad ng inaasahan, lalo na sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap sa sektor ng enerhiya. 


Noong ika-17 Kongreso, sinabi niya na ang Komite na dati na niyang pinamunuan ay nakapagsabatas ng limang lehislasyon, na kinabibilangan ng Republic Act 11039, o ang “Electric Cooperatives Emergency and Resilience Fund”; RA 11234, o “Energy Virtual One-Stop Shop”; RA 11285, o “Energy Efficiency and Conservation Act”; RA 11361, o “Anti-Obstruction of Power Lines Act”; at, RA 11371, o “Murang Kuryente Act.” 


Samantala, sa ika-18 Kongreso sa ilalim ng pamumuno ni dating Rep. Mikey Arroyo, ay nakapagsabatas naman ang Komite ng anim na lehislasyon. 


Para sa ika-19 na Kongreso, sinabi ni Velasco na ipapanukala nila na iprayoridad ang mga panukalang nananatiling nakabinbin, kabilang na ang mga nabanggit sa State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. 


Samantala, nagbriefing sina Energy Secretary Raphael Perpetuo Lotilla at Assistant Secretary Mario Marasigan sa Komite, hinggil sa kalagayan ng sektor ng enerhiya sa Pilipinas, at si Energy Regulatory Commission Chair Monalisa Dimalanta naman ay nagprisinta ng mga regulasyon sa industriya ng kuryente sa bansa. 


Sinabi ni Marasigan na ang DOE Future Energy Scenario ay kinabibilangan ng: 1) seguridad sa enerhiya; 2) nagsusustining enerhiya; 3) matatag na imprastraktura; 4) competitive energy sector; 5) smart homes at cities; at 6) makapangyarihang konsyumer. 


Para kay Dimalanta, sinabi niya na ang ERC ay itinatatag bilang isang independyente, quasi-judicial regulatory body alinsunod sa Section 38 ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) of 2001. 


Bilang pundamental na mandato ng EPIRA, binanggit niya na ayon sa EPIRA Section 43, ito ay ang mga: 1) pagsusulong ng kompetisyon; 2) pagtitiyak ng pagpili at proteksyon ng mga kostumer; 3) paghihikayat ng kaunlaran ng merkado; at 4) kaparusahan sa mga umaabuso sa kapangyarihan ng merkado.

Wednesday, September 7, 2022

PAGDINIG SA P24.06-B PANUKALANG BADYET NG DOST PARA SA 2023, IDINAOS

Idinaos ngayong Miyerkules ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co ang pagdinig sa P24.06-bilyong panukalang badyet ng Department of Science and Technology (DOST) para sa piskal na taong 2023. Pinasalamatan ni Co ang pamilya ng DOST sa pangunguna ni DOST Secretary Renato Solidum sa kanilang pagdalo sa pagdinig. Sinabi ni Co na pinananatili ng DOST ang mandato ng pagbibigay ng sentral na direksyon ng pamumuno at koordinasyon sa mga pagsisikap ukol sa siyentipikong teknolohiya at pagtiyak na ang mga resulta ay nakatuon at ginagamit sa mga lugar na may pinakamataas na benepisyong pang-ekonomiya at panlipunan para sa mga mamamayan.  “The importance of science, technology and innovation (STI) are vast and clear in the social, economic and environmental aspects of society,” aniya.  Ayon kay Co, kabilang sa mga kapuri-puring programa ng DOST sa ilalim ng pinagsama-samang adyenda sa National Research and Development ng Science for Change Program, ay ang mga sumusunod: 1) tulong sa MSMEs at mga komunidad sa pamamagitan ng Small Enterprise Technology Upgrading Program (SEPUP); 2) Community Empowerment Through Science and Technology (CEST); at 3) pagbibigay ng mga S&T iskolarsip mula sa sekondarya, tersiyaryo hanggang sa mga gradwadong antas sa higit sa 40,000 mga mag-aaral.  Para sa piskal na taong 2023, sinabi ni Co na may tinatayang kabuuang badyet na P24.064-bilyon ang DOST. “This is to fund, among others, department strategic science and technology programs, support the harmonized S&T agenda, and the transfer of knowledge and technologies to spur growth in the countryside. With significant public investments in science, technology, and innovation, it is anticipated that the country’s pool of scientists, researchers and technologists would be able to contribute to creating wealth and securing sustainable and inclusive future for the Filipinos,” aniya.  Samantala, sa kanyang presentasyon, binanggit ni Solidum na ang kanilang orihinal na panukalang badyet ay P44.17-bilyon subalit ibinaba ito sa P24.06 bilyon, o mas mababa ng P20.11 bilyon.  Sa kanilang P24.06bilyon na panukalang badyet, nilinaw ni Solidum na P18.38 bilyon ang ilalaan sa maintenance and other operating expenses (MOOE), habang P4.74-bilyon naman ang ilalaan sa personnel services (PS), at ang natitirang P940 milyon ay para sa capital outlay (CO). Kabilang sa mga prayoridad ng DOST na nakahanay sa sosyo-ekonomikong adyenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay ang: 1) paglikha ng trabaho/ pag-unlad ng rehiyon sa pamamagitan ng STI; 2) seguridad ng pagkain; 3) seguridad ng kalusugan; 4) seguridad ng tubig at pangangalaga sa kapaligiran; 5) seguridad sa enerhiya; 6) sistema ng transportasyon; 7) katatagan sa klima at kalamidad; 8 ) pagpapaunlad ng yamang tao; 9) pagbabago ng pasilidad; 10) digital na pagbabago, at masigla at kapaki-pakinabang na lungsod at komunidad.

MULING PAGBUBUKAS NG BATAAN NUCLEAR POWER PLANT, HINIMOK NG MAMBABATAS

Sa kanyang privilege speech ngayong Miyerkules, nanawagan si House Special Committee on Nuclear Energy Chairperson Rep. Mark Cojuangco (2nd District, Pangasinan), sa mga mambabatas para sa muling pagbubukas ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP), sa kabila ng nararanasang pandaigdigang krisis sa enerhiya. Sinabi niya ito upang bigyang-diin ang napakahalagang potensyal na maibabahagi ng BNPP, para tugunan ang napakamahal at mababang suplay ng kuryente sa bansa. Ayon kay Cojuangco, napatunayan na na ang enerhiyang nukleyar bilang pinaka matatag, at binanggit ang pagpapalawig ng operasyon ng Diablo Canyon Power Plant in California, sa Estados Unidos, na kamakailan lamang ay nakatakda nang magsara sa 2025. Ang operasyon nito ay pinalawig pa, matapos itong magsilbi bilang lunas sa hindi maaasahan at salungat na suplay ng enerhiya mula sa hangin at araw (wind/solar). Gayundin, ipinunto niya na ang halaga ng kuryente sa Lungsod ng Dagupan, kamakailan lamang ay lumobo sa P24 kada kilowatt hour (kwh), at maaari pang tumaas sa P30 kada kwh, kapag ang halaga ng uling ay patuloy na tataas. Ipinahayag ni Cojuangco na ito na ang pinakamagandang opportunidad upang humanap ng alternatibong mapagkukunan ng enerhiya, upang matiyak ang suplay para sa sa lumalagong konsumo at ekonomiya ng bansa. "Let's push for BNPP to be finally commissioned so that it can deliver the cheap and clean, yet reliable electricity it has always meant to deliver," aniya. Binanggit ni Cojuangco na maaari ring isulong ng Kongreso ang libre o murang kuryente sa mga lugar na may nuclear power plant, upang isulong ang kanilang mga operasyon, at mag-alok ng mapagkakatiwalaang enerhiya sa mga Pilipino sa abot-kayang halaga. Inanyayahan niya ang kanyang mga kapwa mambabatas na silipin kung ano ang nagawa ng lehislatura ng Estado ng California para sa kanilang mga mamamayan. “They listened to science, they listened to facts and the historical record, they listened to their people’s cry and chose to do what is right, to continue the operation of the nuclear plant that will provide stable and reliable energy supply to their state. And in doing so, ease the current economic burden on the people,” aniya. Ang hybrid na sesyon sa plenaryo ay pinangunahan nina Deputy Speakers Kristine Singson-Meehan and Camille Villar.

UNANG PAGPUPULONG NG KOMITE, IDINAOS; MABILIS NA PAGTALAKAY SA MULING PAGBUBUKAS NG BATAAN NUCLEAR POWER PLANT, HINILING

Nagsagawa ngayong Miyerkules ng unang pagpupulong ang kabubuo pa lamang na Special Committee on Nuclear Energy sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Pangasinan Rep. Mark Conjuangco, upang talakayin ang kapaki-pakinabang na paggamit ng enerhiyang nukleyar para sa mura, malinis, at maaasahang kuryente. Sa kanyang pambungad na pahayag, sinabi ni Cojuangco na ang krisis sa gasolina ang naging rurok ng pangangailangan para sa isang alternatibong mapagkukunan ng enerhiya. "I look foward to really, in this committee, bringing out the truth of nuclear energy to our public so that they can know what they have been missing on as far as an alternative energy source is concerned," aniya. Gayunpaman, sinabi rin niya na ang paglikha ng regulatory commission na hiwalay sa Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) ay dapat munang maisabatas. "Right now, the regulation and the promotion of nuclear energy and nuclear technology lies with one body and that's a conflict of interest, and so that is not an acceptable practice in the international community," paliwanag ni Cojuangco. Kabilang sa iba pang mga bagay na nilayon ng Komite na talakayin ay ang: 1) pagtukoy sa papel ng nukleyar sa hinaharap ng enerhiya ng bansa; 2) pagpopondo ng plantang nukleyar; 3) basurang nukleyar’; 4) pagtalakay sa mga bilateral na kasunduan sa Estados Unidos, partikular sa 123 na kasunduan sa kanilang 1954 Atomic Energy Act; at 5) ang pangangailangan para sa isang bilateral na kasunduan sa U.S. na magkakategorya sa bansa na isang bansang katanggap-tanggap sa pangkalahatan para sa teknolohiyang nukleyar. Hiniling din ni Cojuangco sa Epesyal na Komite na mag-apruba ng Resolusyon ng Kapulungan na humihimok sa administrasyon, at Senado na kumilos nang mabilis sa pagtalakay sa nasabing mga bilateral na kasunduan. Nagpahayag naman ng kanyang intensyon si dating Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) Manager Atty. Antonio Corpuz na tulungan ang Komite bilang isang dalubhasa.  Aniya, kailangan din baguhin o ayusin ang 40 taong gulang na plantang nukleyar para matugunan ang mga bagong pangangailangan. Samantala, ipinaalam ni PNRI Director Dr. Carlos Arcilla sa Komite ang mga siyentipikong aspeto ng plantang nukleyar, at hinimok silang amyendahan ang Republic Act 5207 o ang "Atomic Energy Regulatory and Liability Act of 1968.

UNANG PULONG NG KOMITE NG KALUSUGAN, TINALAKAY ANG MGA PRAYORIDAD NG DOH AT PHILHEALTH

Nagsagawa ngayong Miyerkules ang Komite ng Kalusugan ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Ciriaco Gato Jr. (Lone District, Batanes), ang kanilang pulong sa pag-oorganisa kung saan ay inaprubahan ng mga mambabatas ang Rules of Procedure ng Komite. Matapos nito ay inilatag ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga mambabatas ang mga prayoridad nilang mga panukala at programa. Sa kanyang pambungad, binigyang-diin ni Gato ang kahalagahan ng kalusugan, at ito ay ang ubod ng pag-unlad ng ekonomiya at katatagan ng pulitika. Sinabi din niya na ang pandemya ay isang wake-up call, upang palakasin ang kapasidad ng bansa na maging epektibo at mahusay na matugunan ang mga pampublikong kagipitan sa kalusugan. Nangako si Gato na tutulong ang Komite sa mabilis na pagpasa ng ilang mga hakbang na may kaugnayan sa kalusugan, kabilang ang panukalang “Virology Institute of the Philippines (VIP) Act”, gayundin ang modernisasyon ng mga pasilidad at serbisyong pangkalusugan. Tiniyak ni DOH OIC Secretary Maria Rosario Vergeire na tinututukan ng DOH ang mga pagsisikap nitong makapagbigay ng dekalidad, bukas, at pantay na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa mga Pilipino. Samantala, binanggit ni DOH Undersecretary Kenneth Ronquillo na gagamitin ng DOH ang P195.63-bilyong panukalang badyet nito sa 2023 para sa mga sumusunod: 1) operasyon ng 79 DOH hospitals; 2) Health Facilities Enhancement Program (HFEP); 3) medikal na ayuda sa mga mahihirap at financially-incapacitated patients; 4) National Health Workforce Support System; at 5) pag-iwas at pagkontrol sa mga nakakahawang sakit at non-communicable diseases, at iba pa. Habang lumuluwag ang mga paghihigpit sa kalusugan, sinabi ni Vergeire sa mga mambabatas na dapat itulak pa ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mga kwalipikadong Pilipino, kabilang ang mga mag-aaral na unti-unting bumabalik sa face-to-face classes. Nang matanong tungkol sa panukalang VIP Act, sinabi ni Vergeire na ito ay magbibigay daan para sa Pilipinas na gumawa ng sarili nitong mga bakuna. Sa kanyang bahagi, ipinahayag ni PhilHealth OIC President at CEO Eli Dino Santos, na inaangat nila ang mga pagsusumikap sa digitalisasyon, upang magkaroon ng mas mahusay na storage at scalability, makipagtulungan sa mga malalayong user, at makamit ang mataas na kalidad. Idinagdag niya na ang PhilHealth ay lilikha rin ng surge team, upang tumutok sa pagbuo at paglulunsad ng mga benepisyo ng Universal Health Care, bubuo ng pinag-isang master list sa Philippine Statistics Authority upang mapadali ang awtomatikong eligibility at i-digitize ang mga proseso ng paniningil, para sa ibayong kahusayan. Tiniyak ni Santos na layunin ng PhilHealth na magkaloob ng health insurance coverage at matiyak ang abot-kaya at agaran na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.

NUTRIBUN, IPAMAMAHAGI MULI SA MGA ESTUDYANTE - DEPED

Nutriban ipapamahagi na ng DepEd sa mga estudyante…


Magbabalik na ang sikat na nutriban sa mga pampublikong paaralan.


Ito ang tiniyak ng department of science and technology sa hearing ng house committee on appropriations sa budget ng DOST para sa 2023.


Ayon kay DOST secretary renato solidum, ito ay nakapaloob sa school feeding program ng department of education para sa 2023.


Sabi ni solidum ang papel ng DOST ay research para mas lalong maging masustansiya ang nutriban.


Nag-level up na ang nutriban at may iba-ibang flavors gaya ng carrots, kamote at kalabasa.


Paliwanag ni solidum, 180 squash variant producers ang nabigyan na ng lisensiya, 136 sa carrots at 94 sa kamote at ang tie-up sa mga bakery ay pamumunuan na ng DepEd.


Inireport sa kumite ni dr. Imelda agdeppa, direktor ng food and nutrition research institute, ang nutriban ay ipapamahagi sa mga mag-aaral sa buong bansa dalawa hanggang tatlong beses kada isang linggo.

PAGTATAG NG BAGONG DEPARTMENT OF MIGRANT WORKERS, DI MAKAKAAPEKTO SA PAGTUGON NG DOLE SA PANGANGAILANGAN NG OFWs

Siniguro ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa mga mambabatas na hindi ma-aapektuhan ang kanilang pagtugon sa pangangailangan ng mga OFW sa kabila ng pag-lipat ng ilang attached agencies nito sa bagong tatag na Dept of Migrant Workes.


Sa paglalahad ng DOLE ng kanilang P25.9B 2023 proposed budget, sinabi ng kalihim na lumagda sila ng kalihim ng DMW ng isang join circular noong nakaraang Hulyo, upang pabilisin ang transition process ng paglipat ng OWWA, POEA at National Maritime Polytechnic sa DMW.


Titiyakin din aniya ng joint circular na ito na hindi mababalam at hindi mabalam ang pagpapa-abot ng seribsyo para sa mga OFW at kanilang pamilya.


Sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program ang NMP ay pinaglaanan ng 76.8 million pesos, ang POEA naman binigyan ng 3.233 billion pesos habanng 11.669 billion pesos and para sa OWWA. Siniguro ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa mga mambabatas na hindi ma-aapektuhan ang kanilang pagtugon sa pangangailangan ng mga OFW kabila ng pag-lipat ng ilang sa attached agencies nito sa pbagong tatag na Dept of Migrant Workes.


Sa paglalahad ng DOLE ng kanilang P25.9B 2023 proposed budget, sinabi ng kalihim na lumagda sila ng kalihim ng DMW ng isang join circular noong nakaraang Hulyo, upang pabilisin ang transition process ng paglipat ng OWWA, POEA at National Maritime Polytechnic sa DMW.


Titiyakin din aniya ng joint circular na ito na hindi mababalam at hindi mabalam ang pagpapa-abot ng seribsyo para sa mga OFW at kanilang pamilya.


Sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program ang NMP ay pinaglaanan ng 76.8 million pesos, ang POEA naman binigyan ng 3.233 billion pesos habanng 11.669 billion pesos and para sa OWWA.

MALAKING KAKULANGAN NG HOUSING INTEREST SUBSIDY NG HSUD, IPINAKIUSAP SA KAMARA

Department of Human Settlement and Urban Development ay nakiusap sa Kamara  na maamiendahan ang  2023 national expenditure budget sa kinakailangang 36-B housing interest subsidy. 


Nanawagan ang department of human settlement and urban development sa house committee on appropriation na maamiendahan ang 2023 national expenditure budget sa kinakailngang 36-b housing interest subsidy. 


Ang 36-B housing interest subsidy at ang interest ng bangko sa pabahay na siyang sagot ng gobierno. 


Sa paghararp ngayon ng dshud sa budget hearing.. inilahad nila ang malaking kakulangan ng budget upang mapunan ang backlog na 6.5 million housing needs ngayong 2022.


Sinabi ni dhsud secretary jose acuzar.. sa ngayon nasa 17 percent o 190 thousand lamang ang nagagawang pabahay  ng gobierno malayo sa atas ni pangulong Ferdinand Marcos Jr  na 1 milyong pabahay kada taon. 


Anya.. kung hindi ito maagapan  10.9M ang magiging baclog sa housing sa taong 2028. 


Sa budget  na nakapaloob sa NEP nasa 4.09-B lamang ang budget ng DSHUD.. mababa ito ng 48 percent mula 7.67B nuong 2022.


Malayo rin ito sa hiling na budget ng dhsud na nasa 90.980 billion. 


Pakiusap ni acuzar sa mga kongresista.. suportahan ang panawagang  dagdag na budget para mapalakas ang housing and human settlement program ng pamahalaan. 

BILANG NG PROFESSIONAL LICENSURE SA SUSUNOD NA TAON, HAHABULING TUMAAS NG DOLE

Target ng Dept of Labor na habulin ang bilang ng isinasagawang professional licensure exams sa susunod na taon


Sa budget presentation ng ahensya sa Kamara, sinabi ni Labor Sec. Bienvenido Laguesma na ang taong 2023 ay magiging catch up year para sa iba’t ibang licensure exams.


Dahil aniya sa pagtama ng COVID-19 pandemic at ipinatupad na restrictions, kinailangan ipagpaliban ang ilan sa licensure exams.


Kaya sa susunod na taon ay pipilitin aniya nil ana habulin ang bilang ng licensed professionals na kanilang itinakda noong nakaraang taon.


Sa datos ng DOLE, mula 61 at 51 na pagsusulit na idinaos ay itataas ito sa 84 exams o katumbas ng 629, 370 examinees na kukuha ng exam.


Nasa 1.009 million prefessionals naman ang kanilang target na maisailalim sa continuing professional development mula sa dating 800,000 at 600,000 higit noong 2021 at 2022.


Targete din ng ahensya na maisailalm sa Maritime Training at Skills Competencies ang nasa 10,000 marino.

MULING PAGGAMIT NG NUCLEAR POWER PARA BUMABA ANG PRESYO NG KURYENTE, SUPORTADO NG DOST

Suportado ng Department of Science and Technology (DOST) ang planong paggamit muli ng nuclear power bilang tugon sa iba pang pangangailangan ng bansa lalo na ang kinakaharap na mataas na presyo ng kuryente.


Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum, bukas ang kanilang ahensiya para sa isang science-based technology na makakatulong sa pag resolba sa mga kinakaharap na hamon ng bansa.


Aminado si Solidum na kanila din kinukunsidera ang paggamit ng nuclear energy para sa kanilang energy mix.

Binigyang-diin ng kalihim, sakaling matuloy ang planong paggamit ng nuclear energy ng bansa, susuportahan ito ng DOST.


Ang Philippine Nuclear Reseach Institute (PNRI) na siyang in-charged sa promotion ng nuclear energy para sa ibat-ibang paggamit nito gaya sa gamot, agriculture industry at power.


Aniya, kailangan pa rin bumuo ng isang hiwalay na regulatory agency na tututok sa nuclear energy operation.


Samantala, ipinagmalaki naman ni Secretary Solidum sa larangan ng disaster climate and resilience, nakatutok sila ngayon sa digitalization transformation program sa pagbuo ng aplikasyon kung saan masusuri ang isang bahay saan man ito sa bansa ang lahat ng mga panganib nang sabay-sabay sa loob ng wala pang isang minuto.


Sinabi ni Solidum, kanilang ilulunsad ang automated na pagpa- plano para sa LGUs kaya magiging advance ang Pilipinas sa ganitong aspeto.

Tuloy din ang kanilang programa para sa kalusugan ang 'Tuklas Lunas" na mga gamot.


Para sa sektor naman ng agrikultura patuloy ang ginagawa nilang research para makabuo ng mga bagong teknolohiya para makatulong sa mga local farmers.


May programa din ang DOST na naglalayon lutasin ang problema sa industriya ng bakal.

MGA PANUKALANG MAY KINALAMAN SA PAGBUBUWIS, SUMALANG SA PLENARYO NG KAMARA

Sumalang na sa plenaryo ang apat na panukalang batas na may kinalaman sa pagbubuwis.


Una dito ang House Bill 4339 o Passive Income Financial Intermediation Tax Bill o PIFITA.


Sa ilalim ng package 4 sa Comprehensive Tax Reform gagawin nang mas simple ang pagbubuwis para maging madali ang pagkolekta ng gobyerno dito.


Bahagi nito ang pagkakaroon ng unified tax rate na 15 percent para sa royalties and interests, dividends at capital gains.


Mula naman 0.6 percent ay ibababa sa 0.1 percent ang stock transaction tax upang mahimok ang equity capital market investment 


Inalis na rin ang exemption sa excise tax ng mga pick-up truck at ang P30 na documentary stamp tax para sa ilang dokumento tulad ng NBI Clearance, Birth Certificate, at diploma.


Nasa plenaryo na rin ang HB 4102 o panukalang magpapataw ng 20 pesos na excise tax sa kada kilo ng single use plastic bags at House Bill 4122 o Digital Service Tax kung saan papatawan ng 12% Value Added Tax o VAT sa non-resident digital service providers sa bansa tulad ng Netflix, Spotify, Lazada at iba pang online service providers.


Exempted naman dito ang educational services na karaniwang ginagamit ng mga  institution na accredited ng department of education, commission on higher education at technical education and skills development authority.


Pang-huli ay ang House Bill 4125 o Ease of Paying Taxes Bill na layong i-modernisa ang pagbabayad ng buwis at filing ng tax returns para sa mga maliliit na taxpayers.

MULING BUMABA ANG BADYET NG DOST PARA SA TAONG 2023

Muling nakatikim ng pagbaba sa budget ang Department of Science and Technology o DOST.


Sa budget briefing ng House Committee on Appropriations, inilatag ni DOST Sec. Renato Solidum ang detalye ng panukalang pondo ng kagawaran para sa susunod na taon.


Para sa 2023, ang panukala ng DOST sa Budget Department ay P44.17 billion, pero ang nakapaloob sa National Expenditure Program o NEP ay nasa P24.06 billion lamang o P20.11 billion na tapyas.


Mababa rin ang 2023 budget ng DOST, kumpara sa P24.27 billion na pondo nito ngayong 2022.


Ikinadismaya naman ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang bawas-pondo sa DOST, na halos taon-taon na lamang ay nangyayari.


Nagmosyon si Rodriguez sa komite na ipaglaban ang restoration o pagbabalik ng budget ng DOST ng P1 billion hanggang P2 billion. Mayroon naman aniyang “power of the purse” ang Kongreso.


Ayon pa kay Rodriguez, huwag mahiya si Solidum na manghingi ng dagdag na pondo.


tugon ni Solidum, mayroon silang listahan ng mga priority program na gusto nilang mapaglaanan ng dagdag na pondo, gaya ng suporta sa regional offices.

PAGTAAS SA PONDO PARA SA MGA BENEPISYO AT ALLOWANCE NG MGA HEATH WORKER, HINIRIT SA KAMARA

Umaapela ang Department of Health o DOH sa Kongreso na mataasan ang pondo para sa mga benepisyo at allowances ng mga health care workers, makaraang makatikim ng “budget reduction” sa ilalim ng panukalang 2023 National Budget.


Sa meeting ng House Committee on Health ngayong Miyerkules, nagtanong si Quezon Rep. Keith Micah Tan sa DOH kung ano-anong mga programa ang nagkaroon ng budget-reduction o kaltas-pondo at ano-ano ang mga rason.


Inamin ni Health OIC Ma. Rosario Vergeire na mayroon silang listahan ng mga programa na nagkaroon ng kakulangan sa ilalim ng panukalang pambasang pondo.


At ang talagang panawagan ng kagawaran sa mga mambabatas ay ang tingnan ang “insufficient” o hindi sapat na pondo para sa mga benepisyo at allowances ng health care workers. Ito aniya ang pinaka-malaking hindi naibigay sa DOH sa ilalim ng 2023 budget.


Samantala, tinanggal din umano ng Budget Department sa line item ang Cancer Assistance Fund na nasa P500 million. Kaya naman hiling ni Vergeire, maibalik ito dahil parte ito ng batas.


Kabilang pa sa biktima ng budget reduction ay ang alokasyon para sa Epidemiology and Surveillance Program ng DOH, na kailangan pa naman para makapagtayo ng units sa buong bansa, base sa naranasan noong kasagsagan sa COVID-19 pandemic.


Isusumite naman ng DOH sa Kamara ang iba pang programa na nakaltasan o inalisan ng budget.


Ngunit sa pagtaya ni Vergeire, nasa P76 billion ang kailangan para sa 2023 requirement, habang “arrears” na nasa P64 billion at ito ang kinakailangan para matupad ang pangako sa health care workers.

COMMITTEE ON APPROPRIATIONS, TINAPOS NA ANG PAGDINIG SA PANUKALANG 2023 BADYET NG DOJ

Tinapos na ngayong Miyerkules sa hybrid na pagpupulong ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co ang pagdinig sa 2023 panukalang badyet ng Department of Justice (DOJ) at mga sangay na ahensya at nasasakupan nito. 


Sa kanyang pambungad na pahayag, pinasalamatan ni Co ang DOJ sa pangunguna ni Secretary Crispin Remulla, sa kanyang pagdalo sa pagdinig ng kanilang badyet. Pinuri niya ang pagpapalabas ng DOJ Circular No.-027 na lumilikha sa Prosecution Integrity Board, upang tingnan ang mga maling pag-uugali ng mga tagausig ng pamahalaan, at magrekomenda ng kaukulang mga parusa laban sa kanila, kung kinakailangan. 


Gayundin, pinapurihan ni Co ang ahensya sa paglikha ng Case Decongestion Task Force, gayundin ang pagpapatupad ng Electronic/Online Inquest, isang alternatibo ng paunang imbestigasyon na isinagawa ng kagawaran dahil sa mga hamon dulot ng COVID-19. 


Binanggit din niya ang matatag na paninindigan ng departamento laban sa online na pagsasamantalang sekswal, karahasan na nakabatay sa kasarian at mga paglabag sa karapatan ng bata, sa pamamagitan ng pagpapanatili nila sa Tier 1 na antas nito sa United States 2022 Trafficking in Persons Report sa loob ng pitong taon. 


“We look forward to all the plans and programs of the department to ensure justice is served to the public efficiently and appropriately,” ani Co. 


Tiniyak niya sa ahensya na susuportahan ng Kapulungan sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pamilya ng DOJ na makamit ang lahat ng mga plano at programang ito para sa taong 2023. 


Nagpahayag naman ng buong suporta si Committee on Appropriations Senior Vice Chair at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo sa DOJ, at sinabi na ang papel ng DOJ ay mahalaga sa pagpapasigla ng ekonomiya ng bansa. “A predictable justice system equates to a stable business environment,” aniya. 


Sa kanyang presentasyon, sinabi ni DOJ Undersecretary Brigido Dulay na sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP), humigit-kumulang na P26.6-bilyon ang inirekomendang badyet para sa DOJ at mga sangay na ahensya nito. Mas mataas ito sa 2022 General Appropriations na P25.24-bilyon. 


Ang 2023 panukalang badyet ay 0.51 porsiyento ng kabuuang pambansang badyet na P5.26-trilyon. Iniulat din ni Dulay ang mga naisagawa at naisakatuparan ng DOJ noong 2021 at mga sangay na ahensya nito. 


Tinapos na ng Komite ang pagdinig sa badyet ng ahensya bilang paggalang kay Remulla, na dating senior deputy majority leader ng Kapulungan nong ika-18 Kongreso. 


Sa kanyang manipestasyon, ipinahayag ni Albay Rep. Edcel Lagman na susuportahan niya ang mayorya sa mosyon ngunit may reserbasyon, na makapagtatanong ang mga mambabatas ng Kapulungan at kasapi ng Komite sa deliberasyon sa plenaryo sa panukalang badyet ng DOJ.